MANILA, Philippines — Umapela ang isang climate change scientist sa mga Local Government Units (LGUs) na tiyakin na upgraded at ligtas ang mga high-rise structures sa kanilang mga lugar.
Ayon kay Glenn Banaguas, ang mga LGUs ang dapat palaging nasa forefront na sisiguro na walang banta sa mga residente ang mga matataas na gusali tuwing may kalamidad tulad ng bagyo at lindol.
Ito ay dahil karamihan sa mga manufacturers sa Pilipinas ay nagbebenta umano ng quench tempered rebars o mas mababang klase ng bakal dahil mas mababa ang halaga nito kumpara sa mga micro-alloy na bakal na nasa $30 o higit pa sa kada tonelada o P1.53 per kilogram na price difference sa quench tempered.
Ayon pa kay Banaguas, may kapangyarihan ang mga siyudad at mga munisipalidad na aprubahan o ibasura ang pagtatayo ng mga high-rise buildings kung hindi ito sumusunod sa safety provisions ng batas.
Paliwanag pa nito, hindi na lamang nakabase sa national building code ang pagtatayo ng mga gusali kundi mahalaga na maisama ang Climate Change Adaptation and Disaster Reduction and Management (CCA-DRRM) Strategies sa pagpaplano at pagdedesisyon sa mga itinatayong imprastraktura.