Hepe, 19 pulis sa Rizal sinibak!
Sa pagkamatay ng bata sa anti-drug ops
MANILA, Philippines — Sinibak ni PNP Chief General Oscar Albayalde ang hepe at 19 pang pulis ng Rodriguez, Rizal kaugnay ng pagkasawi ng 3-anyos na batang babae na naipit sa palitan ng putok sa buy-bust operation sa nasabing bayan, nitong nakaraang linggo.
Inutos ni Albayalde kay CALABARZON Director Police Brig. Gen. Edward Carranza ang agarang pagsibak kay Police Lt. Colonel Resty Damaso, 13 nitong tauhan at anim na iba pa mula sa Rizal Provincial Police Office (PPO).
Ayon kay Carranza, inilipat muna sa Administrative Office and Holding Unit ng Rizal PPO ang opisyal at 19 pang mga pulis habang gumugulong ang imbestigasyon sa kaso.
Si Damaso ay pinalitan naman sa puwesto ni Police Lt. Colonel Alex delos Santos mula sa San Mateo Municipal Police Station (MPS).
Ang pagsibak sa nasabing hepe at mga tauhan nito ay bunsod ng pagkasawi ng musmos na itinago sa pangalang “Kathleen” na umano’y ginawang human shield ng kanyang ama na target ng buy-bust operation na nauwi sa shootout at napatay din sa operasyon.
Samantalang nagbuwis naman ng buhay sa insidente ang pulis na si Police Senior Master Sergeant Conrado Cabiga na siyang tumayong buyer sa mga suspek.
- Latest