MANILA, Philippines — Bukas ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa panukalang pagbibigay ng 14th month pay sa empleyado ng private companies.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, kailangan nilang pag-aralan ang mga panukala na magbibigay ng ginhawa sa mga manggagawa na sumasalamin sa economic stability ng bansa.
Ani Bello, dapat na pag-aralang mabuti ang bill at sumailalim sa tripartite assessment upang malaman kung dapat ibigay sa mga manggagawa sa kabila ng economic situation ng bansa.
Giit pa ni Bello, ikokonsidera rin ang kakayahan ng mga employer lalo pa at nakadepende lamang ang ekonomiya ng bansa sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Nabatid na 90% ng mga negosyo sa bansa ay MSMEs. Hindi dapat na paasahin ang mga manggagawa na posibleng humantong sa kontrobersiya.
Ang Senate Bill No. 10, o mas kilala na “An Act Requiring Employers in the Private Sector to Pay 14th Month Pay” ay muling inihain sa Senado ni Senate President Vicente Sotto III at nakabinbin sa Senado simula pa July 2016.