Suicide bomber sa Sulu, Pinoy!

Kinilala ni AFP Western Mindanao Command Chief Major Gen. Cirilito Sobejana ang nasawing suicide bomber na si Norman Lasuca, 23, tubong Brgy. Asturias, Jolo, Sulu.
File

MANILA, Philippines – Isang Pinoy ang suicide bomber na nasa likod ng magkakasunod na madugong pagpapa­sabog sa isang kampo ng militar sa Indanan, Sulu nitong Biyernes.

Kinilala ni AFP Western Mindanao Command Chief Major Gen. Cirilito Sobejana ang nasawing suicide bomber na si Norman Lasuca, 23, tubong Brgy. Asturias, Jolo, Sulu. 

Ayon kay Sobejana, iniimbestigahan pa nila kung si Lasuca ang mismong nagpasabog ng dala nitong bomba sa gate ng 1st Brigade Combat Team (BCT) ng Philippine Army sa Sitio Kajatian, Brgy. Tanjung sa Indanan o kung ang kasamahang teroristang Abu Sayyaf ang nag-detonate ng bomba.

“However, the pro­bability that it is (a suicide bombing) is very high,” pahayag ni Sobejana.

Si Lasuca at kasamang 14-anyos na suicide bomber ang may dala ng dalawang suma­bog na bomba. Ang nasabing 14-anyos ay anak ng isang Moroccan terrorist na responsable naman sa pambobomba sa military checkpoint gamit ang isang behikulo na may lamang bomba sa Lamitan City, Basilan noong 2017.

Ang 1st BCT ay ba­gong tatag na military camp na naatasang pulbusin ang mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu. Karamihan sa mga sundalo dito ay bagong deploy sa lalawigan.

Tatlong sundalo, 3 sibilyan at 2 suicide bomber ang namatay sa insidente habang 12 sundalo at 10 sibilyan ang sugatan.

Si Lasuca na isang Pinoy Balik-Islam o Muslim convert ay miyembro ng Abu Sayyaf sa ilalim ni Commander Hatib Hadjan Sawadjaan na umaaktong pinuno ng Dawla Islamiyah.

Ang napugot nitong ulo ay kinuha na ng kaniyang ina na si Vilma, isang Tausug at kapatid na si Alhussin sa morgue ng Camp Teodulfo Bautista sa Busbus, Jolo.

“Based on the statement of the mother, he left their house in 2014 and it is only now that they have seen him and he is no longer alive, only his head,” anang heneral.

Aminado naman ang opisyal na isang mala­king hamon sa AFP ang paglipol sa teroristang grupo sa Sulu dahil tinatarget na ng mga ito ang mga kampo ng militar.

 

Show comments