MANILA, Philippines — Matapos magbagong-isip, posibleng sumabak na ang anak ng pangulo at kinatawan ng unang distrito ng Davao City na si Paolo Duterte sa tunggalian ng pagiging tagapagsalita ng Kamara ng ika-18 Kongreso.
“The House is divided, I might be able to help unite it. Pareho lang kaming binoto ng tao. Kung term-sharing, term-sharing na kaming lahat," ani Duterte, sa isang ulat ng News5.
(Hati ang Kamara pero pwede ko itong mapagkaisa. Pareho lang kaming binoto ng tao. Kung term-sharing, term-sharing na kaming lahat.)
Dagdag ni Pulong, imumungkahi raw niya sa Visayas bloc na mag-elect ng sarili nilang speaker para sa kanilang "term share," gayundin sa Mindanao bloc at party-list coalition.
Una nang nagpahayag ng kanilang interes tumakbo ang mga kinatawang sina Alan Peter Cayetano ng Taguig-Pateros at Lord Allan Velasco ng Marinduque, na parehong malapit sa pamilya ng presidente.
Unang termino ni Paolo bilang kongresista samantalang si Cayetano ay dating naging senador at kalihim ng Department of Foreign Affairs.
Si Velasco nama’y kongresista na simula 2010, at noong ika-26 ng Hunyo ay iprinoklama ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan bilang opisyal na pambato sa pagka-speaker.
Kahapon lamang, pinaratangan ni Cayetano na si Velasco ang may pakana ng diumanong kasunduang term-sharing sa pagka-speaker.
Sa isang panayam noong Mayo 27, klinaro na ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang kinakampihan at ieendorso sa posisyon.
Sa parehong panayam, sinabi rin ng pangulo na magbibitiw siya sa pagka-presidente sa pagkakataong sumabak si Paolo sa pagka-speaker.
“If you run for speakership, let me know. Kasi kung tatakbo ka, magre-resign ako. Kasi marami na tayo,” sabi ng Pangulo.
(Kung tatakbo ka, sabihan mo ako. Kasi kung tatakbo ka, magre-resign ako. Kasi marami na tayo.)
Ayon naman kay presidential spokesperson Salvador Panelo, hindi pa raw niya alam kung ano ang mga "kalakaran na maaaring magpabago sa isip ni presidente."
Pipili ng speaker ng Kamara sa unang pagbubukas ng 18th Congress sa ika-22 ng Hulyo. — Philstar.com intern Blanch Marie Anclamay at mga ulat mula kay Alexis Romero at News5