Tatlong bagyo ngayong Hulyo
MANILA, Philippines — Maaaring magkaroon ng dalawa o tatlong bagyo sa Pilipinas ngayong buwan ng Hulyo, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration.
Sa advisory ng PAGASA kahapong alas-5:00 ng madaling-araw patungkol sa tropical depression na si Egay, binanggit dito na dalawa o tatlong bagyo ang maaaring pumasok sa bansa sa buwang ito.
Ipinaliwanag ni PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio na ang mga bagyo ay karaniwang may apat na tracks kapag buwan ng Hulyo.
Una, maaari itong bumuhos at dumaan sa katimugan ng Luzon. Pangalawa, maaari itong bumuhos at dumaan sa hilagang Luzon. Pangatlo, maaari itong dumaan sa dulong hilagang Luzon. At ikaapat, maaaring hindi ito lumapag at sa halip ay lumihis ito ng landas hanggang makalabas sa Philippine Area of Responsibility.
Sinabi pa ni Aurelio na ang magkakasunod na mga bagyong papasok sa PAR ay papangalanang “Falcon,” “Goring,” “Hanna,” “Ineng,” “Jenny” at “Kabayan.”
Samantala, nananatiling hindi kumikilos ang bagyong Egay habang ito ay nasa Luzon.
Ala-1:00 ng hapon kahapon, si “EGAY” ay namataan ng PAGASA sa layong 175 kilometro ng silangan ng Calayan taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 60 kilometro bawat oras.
Bunga nito, nakataas ang babala ng bagyo bilang isa sa Batanes at Babuyan Group of Islands
Samantala, nagpapaulan naman sa Luzon kasama na ang Metro Manila at Western Visayas ang habagat at kalat-kalat na pag ulan naman sa Caraga, Davao Region at nalalabing bahagi ng Visayas.
Patuloy na uulan ngayong Martes dahil sa habagat sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Mindoro Provinces at Palawan.
Ngayong araw na ito, si Egay ay inaasahang nasa 80 kilometro ng silangan ng Basco, Batanes.
- Latest