MANILA, Philippines — Nakahanda sa lahat ng oras ang mga elemento ng Philippine National Police na arestuhin ang sinumang maghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipadadakip nito.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde kaugnay ng banta ni Pangulong Duterte na ipaaresto ang sinumang magsasampa ng kaso upang mapatalsik siya sa puwesto.
Nilinaw naman ng PNP Chief na hindi basta basta aarestuhin ang mga kritiko ng administrasyon dahilan lamang na itinuro ito ng punong ehekutibo.
“Dapat may imbestigasyon. Hindi mo naman puwede basta kunin iyung tao dahil tinuro tapos kunin mo. Laging may imbestigasyon bago ka mang-aresto,” paliwanag pa ni Albayalde.
Inihayag ni Albayalde na posibleng sedisyon o libelo ang kasong kakaharapin ng mga ito na may kaugnayan sa tangkang pabagsakin ang pamahalaan na depense pa rin sa desisyon ni Pangulong Duterte.
Nabatid na ang pahayag ni Pangulong Duterte ay kaugnay ng pagpabor nito sa China sa halip na ipagtanggol ang isinasaad sa Saligang Batas na ipagtanggol ang integridad ng soberenya ng bansa.