Kahit tumaas nang bahagya, tubig sa Angat mababa pa rin sa kritikal na lebel

'Yan ay kahit na patuloy pa rin ang mga pag-ulan dulot ng Hanging Habagat o "southwest moonsoon" sa ilang bahagi ng Luzon.
File

MANILA, Philippines — Matapos tumaas ng 1.21 metro bunga ng masamang panahon noong katapusan ng linggo, kritikal pa rin ang taas ng tubig sa Angat Dam.

'Yan ay kahit na patuloy pa rin ang mga pag-ulan dulot ng Hanging Habagat o "southwest moonsoon" sa ilang bahagi ng Luzon.

Patuloy pa ring nananalasa ang bagyong Egay 195 kilometro silangan hilagangsilangan ng Aparri, Cagayan kaninang alas-onse ng umaga.

Kasalukuyang nasa 159.85 metro ang taas ng tubig sa Angat, ayon sa pinakahuling tala ng PAGASA kaninang alas-sais ng umaga.

Noong Linggo, pumatak lang ito sa 158.64 metro, at hanggang ngayon ay hindi pa rin sapat upang umabot sa kritikal na taas na 160 metro.

Ang patuloy na mababang lebel ng tubig sa Angat ay nagdulot ng pagbawas sa suplay ng tubig sa mga lugar sa Metro Manila, base sa abiso ng National Water Resources Board. 

Ibinaba kamakailan sa 36 cubic meters kada segundo mula sa 40 cubic meters kada segundo ang suplay ng tubig na ipinapamahagi ng mga water service provider sa Metro Manila kaugnay nito.

Matatandaang nag-abiso ng pag-antala ng suplay ng tubig ang Manila Water, ang water provider sa silangang Metro Manila, noong ika-22 ng Hunyo dulot pa rin ng mababang lebel ng tubig sa dam.  

Ang Angat Dam ay ang pangunahing imbakan at pinagkukunan ng tubig sa Metro Manila.

Noong nakaraang Lunes, inasahan ng PAGASA na tatama sa pinakamababang lebel ang tubig sa Angat Dam pagdating ng weekend.

Pumatak sa 157.57 metro ang huling pinakamababang lebel ng tubig sa dam noong Hulyo 2010. — Philstar.com intern Blanch Marie Ancla

Show comments