2-3 bagyo posibleng pumasok sa PAR ngayong Hulyo
MANILA, Philippines — May tsansa na pumasok ang dalawa hanggang tatlong bagyo sa Philippine area of responsibility ngayong buwan.
Ang mga susunod na pangalang ibibigay para sa mga tropical cyclone ay "Falcon," "Goring," "Hanna," "Ineng," "Jenny" at "Kabayan."
May apat namang track ng bagyo na binanggit ang PAGASA na maaaring tahakin ng mga naturang sama ng panahon.
"Kadalasan, ang track ng bagyo ngayong buwan ay dadaan sa southern Luzon," paliwanag ni Aldczar Aurelio, weather specialist ng PAGASA, kanina.
Dadaan naman sa northern Luzon ang pangalawang posibleng track ng mga bagyo.
Maaari ring dumaan sa extreme northern Luzon ang mga susunod na bagyo: "Sa may bandang Batanes—Taiwan area," dagdag ni Aurelio.
Hindi naman tatama sa anumang kalupaan ang huling track at agad na lalabas ng PAR.
Kaninang alas-diyes ng umaga, namataan naman ang sentro ng Tropical Depression "Egay" 195 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan.
May mga hangin itong aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pabugso-bugsong hangin na 60 kilometro kada oras.
Tinataya naman 60 kilometro ito kanluran ng Basco, Batanes bukas.
Epekto ng Hanging Habagat
Magdudulot naman ng mahihina hanggang katamtamang pag-ulan na minsa'y malalakas ang hanging habagat sa:
- Kalakhan ng Luzon
- Western Visayas
Makararanas naman ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan sa:
- Caraga
- Davao
- Iba pang bahagi ng Visayas
Maaari namang magpatuloy bukas (ika-2 ng Hulyo) ang mga pag-ulan dulot ng habagat sa:
- Metro Manila
- Ilocos
- Cordillera
- Zambales
- Bataan
- Tarlac
- Pampanga
- Bulacan
- Mga probinsya ng Mindoro
- Palawan
Inaabisuhan naman ang mga maliliit na sasakyang pandagat na umiwas sa mga seaboards ng northern Luzon at western seaboards ng central at southern Luzon.
- Latest