MANILA, Philippines — Bahagyang tumaas ang tubig sa Angat Dam matapos ang sunud-sunod na pag-ulan dulot ng moonsoon rains.
Ayon sa PAGASA, kahapon ng alas-6 ng umaga ay umakyat sa 158.64 metro ang tubig sa nasabing dam mas mataas sa 157.96 meters noong Sabado ng kaparehong oras.
Ang nasabing water level kahapon ay nanatili namang nasa critical level na 160 meters na umabot simula noong Hunyo 20 kaya nagdesisyon ang National Water Resources Board (NWRB) na magbawas ng distribusyon ng tubig sa Metropolitan Waterworks and Sewerage system (MWSS) at sa concessionaires nito na Maynilad at Manila Water.
Ang Angat Dam ang nagsu-suplay ng 90 porsiyentong tubig sa Metro Manila.
Inaasahan naman na patuloy na tataas ang level ng tubig sa dam dahil sa papasok na bagyong Egay na maghahatak sa habagat.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kph at pagbugsong papalo sa 65 kph.
Inaasahang lalabas si Egay sa Philippine Area of Responsibility sa Martes ng gabi o Miyerkules ng umaga.
Kahapon ay naramdaman na ang pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos, Mimaropa, Calabarzon, Zambales at Bataan.