MANILA, Philippines — Wala nang pag-asa na magkaroon pa ng term sharing ang mga kongresistang nagnanais na maging speaker ng 18th Congress matapos ang pahayag ni Pangulong Duterte na hindi siya mag-eendorso.
Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, consistent si Pangulong Duterte na hindi siya makikialam sa usapin ng lehislatura lalo na at ang tatlong naglalaban ay pawang mga kaibigan niya.
Paliwanag pa ni Pimentel, sinusunod lang ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang sinasabi ng Pangulo na hindi siya manghihimasok sa 18th congress speakership race.
Kaya sa pananaw ng kongresista, talo na sa speakersip race si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano dahil siya ang nagpipilit sa term sharing kung saan hindi naman sang-ayon dito si Velasco at mayorya ng mga kongresista.
Samantala, nanawagan naman si Davao City Rep. Paolo Duterte na huwag siyang idamay sa usapin ng speakership sa Kamara at huwag gamitin ang kanyang pangalan.
Pakiusap ng batang Duterte, ilabas siya sa marumi, mapanghamak, bastos at nakakawala na respeto na uri ng pulitika bagama’t magkakaibigan umano sila ay mayroon naman itong limitasyon.