MANILA, Philippines — Mas tututukan na ng Philippne National Police (PNP) ang mga malalaking sindikato at supplier ng droga ngayong pagpasok ng Hulyo.
Ayon kay PNP spokesman Col. Bernard Banac, bagama’t walang magbabago sa kampanya laban sa iligal na droga ay mas lalo lamang nila itong paiigtingin kaya inaasahan ngayong buwan ay maraming mababago o pagre-repackage sa estratehiya ng PNP.
Paliwanag ni Banac, sa kabila umano ng kampanya tulad ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel ay mayroon pa rin mga nagtutulak ng droga.
Kaya tututok umano ngayon ang PNP katulong ang PDEA sa mga supplier para tuluyan nang matigil ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa.
Nlinaw naman ni Banac na kaya nila babaguhin ang package ng operasyon ay hindi dahil may butas dito, kundi dahil kailangan na talagang tutukan ang supply side, monitoring at pagtugis sa mga supplier at malalaking sindikato.
Sa ngayon umano ay patuloy na bumabaha ang droga kaya tututukan na ng PNP ang malalaking supplier at sindikato.
Umaasa si Banac na hindi magiging madugo ang kanilang mga gagawing operasyon tulad ng nangyari sa Oplan Tokhang, subalit kung patuloy umanong may manlalaban sa kanilang mga operasyon ay hindi maiiwasan na dumanak pa rin ang dugo.