MANILA, Philippines — Wala pa ring naging tulong sa Angat dam sa Bulacan ang malakas na pag-ulan na naranasan kahapon lalo na nuong Biyernes ng gabi sa Luzon partikular sa Metro Manila.
Kahapon, Sabado, nagtala ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration ng pagbaba pa ng water level sa Angat dam na pumalo sa 157.96 meters na mas mababa kaysa sa 158.02 meters na water level ng dam noong Biyernes ng umaga.
Ayon sa PAGASA, hindi pa rin sapat ang mga pag-ulan na naranasan sa Luzon upang mapataas ang water level sa Angat dam.
Mula June 20, patuloy ang pagbaba ng water level sa Angat dam na mas bumaba pa ngayon sa critical level na 160 meters.
Patuloy namang umaasa ang MWSS na magkakaroon ng sunud-sunod na pag ulan sa bahagi ng Bulacan upang tumaas ang tubig sa Angat dam.
Ang Angat dam ang nagsusuplay ng 90 percent ng tubig sa Metro Manila.
Samantala, dulot ng pag ulan sa Metro Manila ay tumaas naman ang tubig sa La Mesa dam na nagtala ng 70.95 meters ng water level kahapon mula sa 70.18 meters na water level noong Biyernes.
Nananawagan din ang MWSS sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig dahil sa patuloy pa ring pagbaba ng water level sa Angat kahit na may mga nararanasan nang pag ulan.