MANILA, Philippines — Naniniwala si Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na hindi dapat bigyan ng bagsak na grado ang mga estudyante dahil lalo lamang maglulugmok ito sa kahirapan sa halip na magkaroon ng pagkakataong umasenso ang kinabukasan.
Pahayag ito ni Bello sa idinaos na World Day Against Child Labor 2019 na may temang “Hayaan ang mga Batang Mangarap nang Huwag Malugmok sa Trabahong Mahirap” na idinaos sa teatro ng GSIS kahapon.
Kung sa elementarya at high school ay nakakitaan ng mahina sa pag-aaral ang mga estudyante, hindi ito nangangahulugan na hanggang doon na lamang o mananatiling mahina sa pag-aaral hanggang sa kolehiyo o hindi makararating sa tagumpay.
Paliwanag ng kalihim, mayroong tinatawag na mga late-bloomer, o naging produktibo at lumabas na brilliant students nang sumapit na sa kolehiyo.