Panelo: Tsina 'di pagbabawalan sa West Phl Sea kasi 'hindi naman nila gagawin'

"Ang sinasabi ng presidente, 'Hindi ko pagbabawalan kasi hindi naman nila gagawin,'" sabi ni Panelo.
Wikimedia Commons/Notthebestusername

MANILA, Philippines — Inilinaw ni presidential spokesperson Salvador Panelo na "mali ang interpretasyon" ng midya nang maibalitang papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangingisda ng mga Tsino sa West Philippine Sea sa ngalan ng pagkakaibigan, 'yan ay kahit na nasa loob ito ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

"Ang ibig niyang sabihin, 'I don't think China will go fishing there'... because we're friends (Tingin ko hindi 'yon gagawin ng Tsina dahil magkaibigan tayo)," sabi ni Panelo sa isang press briefing Huwebes.

"Eh ang intindi natin, iba, baliktad. Oh kaya, ang daming nag-react tuloy. 'Oh, that's unconstitutional.'" 

Kwinekwestyon kasi ngayon nina Bise Presidente Leni Robredo at Senior Associate Justice Antonio Carpio ang diumano'y pagpayag ng presidente sa panghihimasok ng Asian giant sa EEZ ng bansa — lugar na dapat Pilipinas lang daw ang makinabang ayon sa Article XII, Section 2 ng 1987 Constitution.

"Ang sinasabi ng presidente, 'Hindi ko pagbabawalan kasi hindi naman nila gagawin,'" sabi ni Panelo.

Matatandaang napalubog ng mga mangingisdang Tsino ang bangka ng mga Pilipino sa Recto Bank, na bahagi ng EEZ ng Pilipinas, matapos mabangga nitong ika-9 ng Hunyo.

Nang tanungin kung anong gagawin kung mapatunayang nangingisda ang mga naturang Tsino sa Recto Bank, ito ang sinabi ni Panelo: "Then we will prosecute... ang problema nga kasi is hindi natin alam [kung nangingisda o dumadaan lang]."

Paulit-ulit nag-iba ang tono ng tagapagsalita sa kahabaan ng press briefing.

Dahil dito, sinabi na lang niya na kakausapin niya uli ang pangulo upang makapaglinaw.

"I will ask him. I will make a statement," dagdag ng spokesperson ng presidente.

(Tatanungin ko siya. Maglalabas ako ng pahayag.)

Kagabi, matatandaang sinabi ni Duterte na walang soberanya ang Pilipinas sa EEZ.

Sa panayam ng ANC kanina, sinabi naman ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na palalalain lang ng mga pahayag ni Duterte ang sitwasyon sa West Philippine Sea.

"This will no doubt embolden the [Chinese] fishermen, or if they are at all fishermen, under the militia strategy that they are using because they were acting like bullies before this was declared by the president," ani Del Rosario.

(Walang duda na patatapangin lang nito ang mga Tsinong mangingisda, kung mangingisda sila, sa ilalim ng ginagamit nilang estratehiyang milisiya dahil nambrabraso na sila bago pa ito ihayag ng presidente.)

'Klaro ang konstitusyon'

Muli namang iginiit ng ikalawang pangulo na tanging mga Pilipino lang ang may karapatan sa mga likas yaman sa loob ng EEZ alinsunod sa konstitusyon.

"Klaro naman iyon. Hindi naman mababago iyong nakasaad sa Saligang Batas puwera na lang kung magkaroon tayo ng pag-amyenda ng Saligang Batas," sabi ni Robredo kanina sa UP Film Institute sa Quezon City.

Martes nang winika ni Dutete na itutulak niya ang pagbabago ng konstitusyon, kahit na hindi na matuloy ang layon niyang pederalismo.

"Pero hanggang walang amendment iyong Konstitusyon, iyong probisyon na iyon ay nandoon — na klarong-klaro na ang EEZ ay para sa exclusive use and enjoyment ng mga Pilipino," dagdag ni Robredo.

Tikom naman ang bibig ng bise presidente kung "impeachable offense" ang ginagawa ngayon ng presidente patungkol sa isyu.

Ito'y kaugnay ng pahayag ni Dr. Jay Batongbacal, na director ng Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea.

'Win-win solution,' posible?

Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ng isang mambabatas na maaaring gumawa ng hakbang na papabor sa lahat ng panig.

Ayon kay Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., kayang pagtagpuin ang mga pananaw sa pangingisda at paglalayag sa EEZ ng bansa.

"There is a need to acknowledge the fact that top Philippine officials had verbal agreement with their counterparts in China and Vietnam on allowing their fishermen and fishing vessels to enter our exclusive economic zone," ani Garbin.

(Kailangang kilalanin na nagkaroon ng pag-uusap ang mga opisyal ng Pilipinas at mga counterpart nila sa Tsina at Vietnam sa pagpasok ng kanilang mga barkong pangisda sa loob ng EEZ.)

Aniya, ginawa raw ang mga nasabing kasunduan upang mapahupa ang mga tensyon.

Ito rin ang sinasabi nina Panelo at Duterte, upang maiwasan ang karahasan sa karagatan.

Dapat daw ay linawin ang mga parametro at protocol sa mga bilateral at multi-party agreements upang masiguro ano ang pwede at hindi maaaring gawin doon.

Sabi ni Garbin, na isa ring abogado, naniniwala siya sa sinasabi ni Carpio ngunit dapat daw maging "win-win solution" ang kalabasan sa gitna ng tensyon.

"Tila hardline stances kasi ang ilan sa mga nakasulat sa UNCLOS [United Nations Convention on the Law of the Sea] na kailangan pa ring ipatupad sa mga aktuwal na sitwasyon doon sa gitna ng dagat," dagdag niya.

"Baka maaaring magkaroon ng common fishing grounds sa labas lang ng ating EEZ at payagan ang foreign fishing ships na makiraan sa ating EEZ patungo sa common fishing grounds?"

Suwestyon pa ni Garbin, civilian law enforcement na lang dapat ang umiral pagdating sa pangingisda, maritime access at pagprotekta sa kalikasan kaysa usaping militar. — may mga ulat mula kina Patricia Lourdes Viray at Alexis Romero

Show comments