Sotto: Isda sa EEZ ng 'Pinas baka lumangoy galing Tsina, okay lang mangisda sila dito
MANILA, Philippines — Walang problema kung nasa exclusive economic zone ng Pilipinas ang mga Tsinong mangingisda, 'yan ang sinabi ni Senate President Vicente "Tito" Sotto Huwebes kahit na Maynila ang bukod tanging may karapatan sa likas-yaman nito.
Paliwanag ni Sotto sa panayam ng ABS-CBN, mahirap daw matukoy kung ano ang eksklusibong pagmamay-ari ng Pilipinas pagkat nasa ilalim ito ng tubig.
"The fish could be coming from China and the fish from the Philippines could be going to China... [M]igration perhaps," wika ng actor-turned-senator.
('Yung isda pwedeng galing sa Tsina at 'yung isda sa Pilipinas eh baka pumupunta ng Tsina... naglalakbay siguro)
Aniya, meron daw kasing mga uri ng isda na sa Tsina lang nakikita pero nakararating sa mga katubigan ng bansa.
Sinabi rin ni Sotto na okey lang ito basta't hahayaan daw ang mga Pilipino sa mga katubigan ng Tsina.
"[A]s long as we're allowed to fish also in their zones... because they will treat us as friends likewise," wika pa niya.
(Basta pwede rin tayong mangisda sa lugar nila... tratratuhin naman nila tayong kaibigan eh.)
Nitong Lunes, matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi mapipigilan mangisda sa EEZ ang mga Tsino dahil "kaibigan" sila ng Pilipinas.
Kinumpirma naman ito ni presidential spokesperson Salvador Panelo nang sabihin niyang ito-"tolerate" ng Pilipinas ang Tsina sa West Philippine Sea.
"Para kasing friends nga daw eh, kung friends eh di magbibigayan kayo," sabi ni Panelo.
Sa kanyang talumpati sa ika-122 anibersaryo ng Presidential Security Group, tinanong naman ni Duterte ang publiko kung paano maipatutupad ang claim sa West Philippine Sea, na una nang kinatigan ng Permanent Court of Arbitration.
"Takot nga ang Amerika, ayaw nga mag-control tapos ako pa ipusta nila? Gusto talaga nila mapasubo ako," sabi niya.
Una nang sinabi ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na labag sa Saligang Batas ang pagpayag ni Duterte sa ginagawa ng Tsina.
Ayon sa Article XII, Section 2 ng 1987 Constitution:
"The State shall protect the nation’s marine wealth in its archipelagic waters, territorial sea, and exclusive economic zone, and reserve its use and enjoyment exclusively to Filipino citizens."
Nang tanungin kung maaaring ma-impeach si Duterte dahil dito, sinabi naman ni Sotto na magiging magandang kaso ito kung totoong paglabag ito sa konstitusyon.
Ika-9 ng Hunyo nang mabangga at mapalubog ng isang Chinese fishing vessel ang bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank, na bahagi ng EEZ ng Pilipinas.
Huli ng mga Pilipino 'mababawasan'
Dismayado naman ang ilang mangingisda sa pagpayag ni Duterte na mangisda ang mga Tsino sa West Philippine Sea.
Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas, malaking banta raw sa kabuhayan nila ang pagpayag na ito ng pangulo.
'Di hamak daw kasing "abante" at "sopistikado" ang teknolohiya sa pangingisda ng mga Tsinong papasok doon.
"Giving a go signal to Chinese poachers to enter our fishing waters is a threat the marine resources and environment because compared to our fishermen, China uses destructive and large-scale method of fishing," sabi ni Fernando Hicap, chairperson ng Pamalakaya.
(Banta sa yamang dagat at kalikasan ang pagpayag ni Duterte na pumasok ang Chinese poachers kumpara sa mga gamit ng mangingisda natin, mapaminsala at pangmalakihan pa ito.)
Bukod pa rito, madalas daw na habol ng Tsina ang mga "high-value" at endangered marine species tulad ng mga pawikan at taklobo.
Kwinestyon din ni Hicap ang posisyon ng gobyerno na kaibigan ang Tsina.
"Who's friends with whom? Duterte can't speak in behalf of the Filipino fisherfolk who are being threatened, harassed, and intimidated by Chinese personnel in the West Philippine Sea. How China treats our fisherfolk is far from friendship, but antagonism," dagdag niya.
(Sino ang kaibigan nino? Hindi pwedeng magsalita si Duterte para sa mga mangingisdang Pilipino na tinatakot at ginigipit ng mga Tsino sa West Philippine Sea. Malayo sa pakikipagkaibigan ang pananakot nila.) — may mga ulat mula kay Alexis Romero
- Latest