MANILA, Philippines — Bumaba ang pag-asa ng mga kabataang Pilipino na gaganda ang sitwasyong ekonomiko at pulitikal ng bansa, batay sa isang pag-aaral na inilabas ng Deloitte Global.
Tinitignan ng survey bilang "millennial" ang mga kabataang ipinanganak mula Enero 1983 hanggang Disyembre 1994. Ginawa ito mula ika-4 ng Disyembre, 2018 hanggang ika-18 ng Enero, 2019.
Sa mga Pilipinong sumagot sa "Deloitte Global Millennial Survey 2019," bumaba mula 78% patungong 48% ang mga nagsasabing umaasa silang iigi ang ekonomiya sa susunod na 12 buwan.
Nasa 41% lang din ng mga Pilipino ang umaasang bubuti ang kondisyong sosyo-pulitikal sa parehong panahon, na malaking pagbaba mula sa 68% noong 2018.
"It’s a cause for concern when we see young people reporting that they have little trust in organizations and institutions they’re supposed to look up to as leaders," sabi ni Eric Landicho, managing partner at chief executive officer ng Deloitte Philippines.
(Nakababahala ito daw iniuulat ng kabataan na maliit ang tiwala nila sa mga organisasyon at institusyong dapat nilang tinitingala.)
Nasa 16% lang din ng mga Filipino millenials ang nagsasabing "accurate source of information" ang political leaders, habang 36% lang sa kanila ang naniniwalang may positibo silang epekto sa lipunan.
Mababa rin ang tiwala nila sa mass media: 22% sa tradisyunal habang 21% lang ito sa social media.
Nasa 48% naman ang naniniwalang positibo ang epekto ng social media kumpara sa 38% sa tradisyunal.
Ibinase ang resulta sa 13,416 kabataan — 301 dito'y Pinoy — na sinuri mula sa 42 bansa at teritoryo.
Sa panayam ng BusinessWorld, sinabi ni National Economic and Development Authority Undersecretary Rosemarie Edillon na nakababahala ang mga resulta.
Gayunpaman, nais pa raw nila itong matignan pa nang maigi.
"Note that these are subjective assessments, hence we need to know the factors that led to this response, apart from the cultural context," wika niya.
(Dapat nating alalahanin na suhetibong pagtatasa ito, kung kaya't dapat nating malaman ang mga salik na nagdulot ng mga ganitong tugon, maliban sa kontekstong iniinugan.)
'Mas optimistiko sa millenials ng ibang bansa'
Sa kabila ng mga nakapanlulumong numero, lumalabas na mas positibo ang mga kabataang Pinoy kaysa sa mga kaedarang millennial sa mga mas mayayamang bansa.
"We recognize that global respondents have different baseline perspectives. As a result, we tend to see greater optimism in emerging nations and more subdued expectation in developed countries where the bar may be set higher," sabi ng 31-pahinang ulat.
(Nakikita namin na iba-iba ang baseline perspectives sa iba't ibang panig ng daigdig. Dahil dito, lumalabas na mas optimistiko sa mga mas mahihirap na bansa habang mababa ang expectation sa mga lugar kung saan mataas ang pamantayan.)
Sa MillZ Mood Monitor ng survey, nakakuha ng 61 puntos ang Pilipinas, kung saan sinusukat ang pagkanegatibo at pagkapositibo ng populasyon.
Itinuturing na "absolute pessimism" ang puntos na zero habang "complete optimism" ang 100.
"That's likely why countries such as Norway and Finland — widely regarded as two of the happiest places on Earth — posted some of the lowest scores while countries like Nigeria were extremely encouraged about a better future."
(Ito malamang ang dahilan kung bakit kasama ang Norway at Finland sa may pinakamababang puntos kahit na isa sila sa pinakamasasayang bansa sa mundo, habang sobrang naeengaganyo naman ang mga taga-Nigeria para makakuha ng maalwang bukas.)
Nakakuha ng 26-puntos ang Norway habang 23-puntos lang ang Finland. Nasa 39-puntos naman ang average ng lahat ng millennials sa mundo. — may mga ulat mula sa BusinessWorld