ABS-CBN imposibleng maipasara — kalihim ng KBP

Sa panayam sa One News nitong Martes, ipinahayag ni Lito Yabut na wala pang naipasasarang istasyon sa kasaysayan ng Pilipinas dahil lamang sa napaso ang prangkisa.

MANILA, Philippines — Imposibleng maipasara ang media korporasyong ABS-CBN sa expired na prangkisa lamang matapos ang 65 taon nito sa ere, ayon sa kalihim ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas na si Lito Yabut. 

Sa panayam sa One News nitong Martes, ipinahayag ni Yabut na wala pang naipasasarang istasyon sa kasaysayan ng Pilipinas dahil lamang sa napaso ang prangkisa.

 

 

“There never was a broadcast station that was shutdown because the franchise expired — never in the history of the Philippines. My father knows that, Gabby Lopez’s father knows that. Wala, wala. No such thing,” ani ni Sec. Yabut.

(Wala pang istasyong naipasara dahil lamang sa isang expired na prangkisa, wala pa sa kasaysayan ng Pilipinas. Alam ‘yan ng tatay ko, alam ‘yan ng tatay ni Gabby Lopez. Wala, wala. Walang ganyan.)

Si Eugenio Gabriel "Gabby" L. López III ang kasalukuyang chairman emeritus ng ABS-CBN. 

Pag-uungkat ng Pangulo

Sa isang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Nobyembre 2018, inilutang na niya na nais niyang harangin ang pagbabago ng prangkisa ng istasyon sa alegasyong “magnanakaw” at “estapador” ito. 

Sa parehong talumpati, inungkat din ng pangulo ang hindi raw pagpapalabas ng kanyang TV ad noong pambansang halalan ng 2016 habang ipinalabas naman ang isang patalastas na kritikal sa kanya na binayaran ng kritikong si dating Senador Antonio Trillanes IV.

“You know politics or not politics, shutting down ABS-CBN will never happen. You’ve got the audience who’s going to defend ABS-CBN if it really is a problem. Why are you stopping a network that’s been existing for 65 years?” dagdag ng kalihim.

(Politikal man o hindi, hindi mangyayari ang pagpapasara ng ABS-CBN. Andyan ang mga manunuod na ipagtatanggol ito kung magiging problema nga. Bakit mo pipigilan ang isang network na tumagal na ng 65 taon?)

Noong ika-12 ng Hunyo lamang, hindi lumusot sa Kamara ang pagpapasa ng panukalang nagre-renew ng prangkisa ng ABS-CBN. 

Maaaring maghain muli ng franchise renewal ang istasyon sa ika-18 Kongreso na unang magpupulong sa ika-22 ng Hulyo. 

Huling naipasara ang ABS-CBN noong kapanahunan ng diktadurya, kung saan dinakip ng militar ang mga brodkast networks matapos ang pagdeklara ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. 

Muli itong nagbalik sa operasyon noong ika-24 ng Pebrero 1986, isang araw bago napatalsik si Marcos sa Malacañang. 

“May kita o wala, they’re on-air. When the typhoons come, they’re their even ahead of government institutions. 'Di ba tulungan yan eh? A broadcast media really helps,” sabi ni Sec. Yabut. — Philstar.com intern Blanch Marie Ancla

Show comments