Carpio pumalag kay Duterte, Tsina bawal daw mangisda sa West Philippine Sea
MANILA, Philippines — Hindi pwedeng mangisda, 'yan ang inilinaw ni Justice Antonio Carpio tungkol sa mga Tsinong patuloy na namamataan sa katubigan ng West Philippine Sea.
Winika ito ni Justice Carpio matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hahayaang mangisda ang Tsina sa exclusive economic zone ng Pilipinas dahil "magkaibigan" naman ang dalawang bansa.
"The Constitution mandates, 'The State shall protect the nation's marine wealth in its xxx exclusive economic zone, and reserve its use and enjoyment exclusively to Filipino citizens,'" ani Carpio Martes.
(Ang utos ng Saligang Batas, "Kailangang protektahan ng Estado ang yamang tubig nito sa kanyang xxx exclusive economic zone, at ilaan lamang ang para sa mga mamamayang Pilipino ang kapakinabangan nito.)
"This also means that the 'use and enjoyment' of the fish in our EEZ is reserved exclusively to Filipinos."
(Ang ibig sabihin din nito eh Pilipino lamang ang pwedeng "gumamit at makinabang" sa mga isda sa ating EEZ.)
Kasama ang Recto Bank, kung saan napalubog ng mga Tsinong mangingisda ang bangka ng mga Pilipino, sa 200-nautical mile EEZ ng Pilipinas.
Kahapon, sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi papayag ang Tsina na mapaalis sa West Philippine Sea at hahayaan lang sila sa lugar.
"They will not allow it because as far as they are concerned, they have historical right to that. Two, if we will allow it because we’re friends naman, eh di magbigayan muna tayo, yun ang punto ni presidente," ani Panelo.
(Hindi sila papayag kasi sa tingin nila, may makasaysayan silang pag-angkin doon. Ikalawa, kung papayagan natin ito'y dahil magkaibigan naman, eh 'di magbigayan muna tayo, 'yun ang punto ni presidente.)
Paglilinaw pa ni Panelo, hindi naman daw binibigyan ng karapatan ang Tsina doon ngunit "tinotolerate" lang daw sila.
Taong 2016 nang desisyunan ng arbitral tribunal sa The Hague, Netherlands na EEZ ng Pilipinas ang West Philippine Sea.
Mangilang-ulit nang sinabi ni Duterte na hindi makikipagdigmaan ang Pilipinas sa Tsina dahil hindi raw nito kaya.
Una nang sinabi ng presidente na hindi rin daw magpapadala ng hukbong dagat si Duterte sa lugar dahil patitindihin lang daw nito ang tensyon.
"Huwag kayong maniwala sa mga politiko na bobo, gusto papuntahin yung Navy. You do not send gray ships there... Do not make it worse (Hindi magpapadala ng gray ships doon, huwag niyo nang palalain)," sabi ng presidente noong nakaraang linggo.
'Duterte pinuno ng AFP, dapat depensahan ang Phl'
Ayon naman kay Carpio, imbis na manikluhod sa Tsina ay dapat pa ngang manguna si Duterte sa pagdedepensa ng teritoryal na integridad ng bansa.
Pinaalala rin niya na ang pangulo ang pinuno ng mga sundalo sa bansa.
"The Commander-in-Chief of the Armed Forces [of the Philippines] is the President, who has the constitutional duty to direct the Armed Forces to protect the nation's marine wealth in its Exclusive Economic Zone," banggit ni Carpio.
(Ang presidente ang Commander-in-Chief ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, at inaatasan ng konstitusyon na pangunahan ang hukbo para depensahan ang yamang dagat ng bansa sa Exclusive Economic Zone nito.)
Aniya, trabaho ng AFP na protektahan ang taumbayan at "siguruhin ang soberanya ng bansa at integridad ng pambansang teritoryo."
Isinasama ng 1987 Constitution bilang pambansang teritoryo ang "other submarine areas" kung saan may soberanya at pananagutan ang Pilipinas.
"For purposes of cour Constitution, the 'national territoryo' includes our EEZ in the West Philippine Sea," sabi ni Carpio.
(Kung Saligang Batas ang titignan, tinitignan na bahagi ng "pambansang teritoryo" ang EEZ sa West Philippine Sea.)
Dahil dito, Pilipinas lang daw ang bukod-tanging pwedeng sumamantala ng mga isda, langis, gas at iba pang yamang mineral sa EEZ.
"This sovereign right belong to the Filipino people, and no government official can waive this sovereign right of the Filipino without their consent."
(Ang karapatang ito ay nasa mga Pilipino, at walang opisyal ng gobyerno na pwedeng maghubad ng karapatang 'yan kung walang pagpayag ng mga Pilipino mismo.) — may mga ulat ni Alexis Romero
- Latest