'Parang school lang': Seminar para sa mga bagitong senador umarangkada

"Okay lang ako. Para akong pumapasok sa eskwelahan," ang nakangiting tugon ni Senator-elect Bong Go sa mga reporters nang tanungin kung excited na siyang matuto tungkol sa paggawa ng batas.
News5/Marie Ann Los Baños; The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Sinamantala ng mga bagong halal na senador at kanilang mga staff ang orientationg ibinibigay sa mga bagong halal na mambabatas, Martes ng umaga.

Ilan sa mga pag-uusapan ay ang mga panuntunan at proseso ng paggawa ng batas sa Senado.

Present sa nasabing seminar sina Senator-elect Imee Marcos, Ronald "Bato" dela Rosa, Christopher "Bong" Go at Francis Tolentino na pare-parehong first-time maging senador.

"Okay lang ako. Para akong pumapasok sa eskwelahan," ang nakangiting tugon ni Go sa mga reporters nang tanungin kung excited na siyang matuto tungkol sa legislative procedures.

Pawang inendorso ng administrasyon, sa pamamagitan ng PDP-Laban at Hugpong ng Pagbabago, ang kandidatura ng nabanggit na apat nitong nagtapos na 2019 midterm elections.

'Mag-aaral maging senador'

Nitong Mayo, matatandaang humarap sa kritisismo si Dela Rosa matapos niyang "ipagtapat" na hindi niya alam kung ano ang trabaho ng senador.

"Ano ba talaga ang trabaho ng senador? What do I need to prepare (Ano bang dapat kong ihanda)?" banggit ni Dela Rosa sa panayam ng CNN Philippines.

Sinabi niya ito noong ika-14 ng Mayo, isang araw matapos ang May 13 elections.

"Ewan ko kung meron bang seminar dyan, or ano bang training dyan para matutuhan ko kung paano gawin 'yung ng batas, kung paano gawin 'yung trabaho sa senado. Kung merong ganon I'll take that opportunity para matuto ako."

Sa kabila ng sinabi niyang "wala siyang alam" sa ginagawa sa nasungkit na posisyon, lumalabas na nakakuha ng bachelor's degree sa public administration si Dela Rosa mula sa Mindanao State University noong 1982.

Nakakuha rin siya ng master's degree (1998) at Ph.D. (2011) sa public administration mula sa University of Southeastern Philippines.

Madalas na kinukuha ang kurso ng mga nais maging pulitiko o magtrabaho sa loob ng gobyerno. — may mga ulat mula sa News5 at Interaksyon

Show comments