Del Rosario nagbigay ng P500K para sa 'Recto Bank 22'; Pera ibabalik ng DFA

Ayon sa kasalukuyang kalihim ng Department of Foreign Affairs na si Teodoro Locsin Jr., hindi daw kasi maaaring mamudmod ng donasyon ang kanilang departamento.
File

MANILA, Philippines — Hindi tinanggap ng gobyerno ang donasyong P500,000 ibinigay ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario para sa mga Pilipinong mangingisdang sakay ng bangkang napalubog ng mga Tsino sa Recto Bank ngayong buwan.

Ayon sa kasalukuyang kalihim ng Department of Foreign Affairs na si Teodoro Locsin Jr., hindi daw kasi maaaring mamudmod ng donasyon ang kanilang departamento.

"DFA cannot dispense donations. I certainly won't turn it over to another department; that's malversation," sabi ni Locsin sa isang tweet hapon ng Lunes.

(Hindi maaaring mamigay ng donasyon ang DFA. Mas lalo kong hindi maaaring ilipat 'to ng ibang departamento; malversation 'yan.)

Una nang naiulat na ipinadaan ni Del Rosario ang kalahating milyong tulong sa DFA Miyerkules, ika-19 ng Hunyo.

"So with florid expressions of gratitude I had it returned to Del Rosario," dagdag ni Locsin.

(Nagpapasalamat kami nang husto kay Del Rosario, ngunit kailangan ko itong ibalik sa kanya.)

Isa si Del Rosario sa mga naghain ng "communication" laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Criminal Court kaugnay diumano ng "crimines against humanity" ng Tsina sa West Philippine Sea. 

Kilala namang malapit si Xi kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Paliwanag pa ng kalihim, mapipilitan siyang idirehe ang pera sa Treasury kung hindi niya isasaoli ang natanggap na P500,000.

Matatandaang sinabi ng mga Pilipinong mangingisda na iniwan na lang sila basta ng mga Tsino matapos madisgrasya sa laot.

Nitong Biyernes, maaalalang tumanggap ng P50,000 ang bawat mangingisdang naargabyado mula kay Bise Presidente Leni Robredo sa kanyang pagbisita sa San Roque, Occidental Mindoro.

Nauna nang inireklamo ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas ang mga idinonate na bangka ng Department of Agriculture sa mga mangingisda dahil hindi raw nito kaya bumiyahe sa malalalim ng katubigan.

Bukod pa rito, hindi rin daw akma sa mga fiberglass na bangka ang mga makinang idinonate sa mga mangingisda.

Nangako naman ng P25,000 kada mangingisda si Agriculture Secretary Piñol sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council.

Gayunpaman, utang ito na kailangang bayaran sa loob ng tatlong taon sa ilalim ng Survival Response Loan Program.

Show comments