Krisis sa tubig titindi pa
MANILA, Philippines — Posibleng lumala pa ang dinaranas na krisis sa tubig sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan dahil sa patuloy na pagbaba ng water level ng Angat dam.
Mula ngayong Sabado, ang Maynilad Water ay magpapatupad ng mas mahabang rotational water service interruption sa 75% ng sineserbisyuhan nito ng tubig dahil sa desisyon ng National Water Resources Board (NWRB) na bawasan ang raw water allocation sa mga concessionaire.
Ang Manila Water naman, ayon kay Dittie Galang, communications Manager ng Manila Water Company ay magpapatupad ng rotational water service interruption ng may 12 hanggang 17 oras mula alas-12 ng hatinggabi.
Kahapon, sa tala ng PAGASA dam monitoring department ay umaabot na sa 160.28 meters ang water level sa Angat dam mula sa 160.73 meters noong Huwebes.
Ayon sa NWRB, kailangang magsagawa ng pagrarasyon ng tubig ang Maynilad at Manila Water oras na pumalo sa 160-meter critical level ang level ng tubig sa Angat.
“Dahil sa muling pagbawas sa alokasyon ng tubig mula sa Angat dam, ang Maynilad ho ay patuloy na magsasagawa ng rotational water service interruptions sa buong area na nasasakupan ng Maynilad. Kailangan po natin ‘tong isagawa upang masiguro po na ang lahat po ay magkakaroon ng tubig,” pahayag naman ni Maynilad media relations officer Grace Laxa.
Anya, may 20 percent naman ng kanilang consumers ay “severely affected” na rin sa kakulangan ng tubig dahil sa matataas ang kanilang lugar at sobrang layo sa pumping stations ng Maynilad.
Handa naman ang Maynilad na maglaan ng tubig sa mga apektado ng pagkawala ng suplay sa pamamagitan ng 40 water tankers na naka-standby ngayon.
- Latest