MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ni Senate President Vicente Sotto III na ang mga diplomatic passports ay maari lamang gamitin sa mga official missions at official travels.
Ayon kay Sotto, sa ilalim ng R.A. 8239 o Philippine Passport Act of 1996, hindi kasama sa dapat bigyan ng diplomatic passport ang mga cabinet secretaries.
Pero sa mga nabigyan na nito, dapat aniyang ginagamit lamang ang nasabing uri ng passport sa opisyal na lakad.
Ginawa ni Sotto ang paglilinaw matapos harangin sa Hong Kong airport si dating Department of Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario gamit ang kanyang diplomatic passport.
Sabi ni Sotto, ang diplomatic passport ay dapat ipinapa-validate tuwing magbibiyahe.
Upang magkaroon aniya ng “revalidation”, dapat ay mayroong travel order na ibinibigay lamang sa mga incumbent officials at empleyado ng gobyerno.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na ang visa na ibinibigay ng isang bansa ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan.
Karapatan din aniya ng isang “host country” kung hindi papayagan ang isang dayuhan na pumasok sa kanilang bansa.
Pero ibang usapin aniya ang detensiyon o pagkulong sa isang bisita dahil dapat itong bigyan ng abogado at dapat dumaan sa tamang proseso.
Dagdag ni Lacson na trabaho ng embahada ng Pilipinas at mga consulates na bigyan ng tulong ang mga Filipino sa labas ng bansa.