'Recto Bank 22' victims tumanggap ng P50,000 tulong kay VP Robredo
MANILA, Philippines — Binisita ni Bise Presidente Leni Robredo sa San Roque, Occidental Mindoro ang mga mangingisdang sakay ng lumubog na F/B Gem-Vir 1 matapos mabangga at iwan ng Chinese vessel sa Recto Bank.
Sa ulat ng ABS-CBN, sinabing nakipagpulong si Robredo sa mga mangingisda Biyernes ng umaga sa bahay ni Felix dela Torre, ang may-ari ng bangka.
Sinasabing tumagal ng halos isang oras ang meeting sa pagitan ng pangalawang pangulo at 14 mangingisda, na hindi kumpleto matapos umuwi ang ilan.
Isa-isang nakatanggap ng P50,000 tulong pinansyal ang mga mangingisda mula sa Angat Buhay program ng Office of the Vice President.
Dumiretso si Robredo sa bahay ni Junel Insigne, ang kapitan ng bangka, pagkatapos.
Tumanggi ring magpaunlak ng panayam si Robredo kaugnay ng kanyang pagbisita.
Sinabi ni Insigne na nakinig lang ang bise presidente sa kanilang mga kwento.
"We were made to narrate our experiences. She didn’t say anything. We’re happy that she also came to our house," ani Insigne sa isang ulat.
(Pinakwento niya sa amin kung anong nangyari. Hindi siya nagsalita. Masaya kami na pinuntahan niya kami sa bahay.)
Sa ngayon, si Robredo ang pinakamataas na opisyal na nakipagkita sa mga mangingisda.
Nangyari ito matapos makipagkita nina Energy Secretary Alfonso Cusi at Agriculture Secrertary Manny Piñol sa mga biktima.
Humarap sa batikos mula sa iba't ibang grupo si Cusi kamakailan matapos niyang sabihing "daplis lang" at hindi sinasadya ang pagbangga ng mga Tsino sa bangka ng mga Pinoy.
Pinaratangan naman kahapon ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas si Piñol na "tinakot" diumano ang mga mangingisda para baguhin ang kanilang pahayag na sinadya ang pagbangga sa kanila.
Una nang naibalita na 'di compatible sa mga fiberglass boats na ibinigay ng gobyerno sa 22 mangingisda ang mga makinang ibinigay para sa kanilang mga bangka.
Martes ng sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na "maliiit na maritime incident" lang ang nangyari at huwag nang gumawa ng tensyon mula rito.
Hindi raw kasi layon ni Digong na pumunta sa digmaan kaugnay nito.
Kilalang malapit ang pangulo kay Chinese President Xi Jinping. — James Relativo
- Latest