Paalam, Manoy Eddie

Kapit-bisig na nagmartsa noon patungong Senado ang mga haligi ng pelikulang Pilipino na sina Dolphy Quizon, Fernando Poe Jr., at Eddie Garcia para iprotesta ang planong pagpapataw ng 10-percent value added tax (VAT) sa kanilang ser­bisyo, sa file photo na ito noong ­January 2003.
AFP

MANILA, Philippines — Tuluyan nang namaalam ang multi-awarded actor na si Eddie Garcia.

Sa inilabas na medical bulletin ng Makati Medical Center, binawian ng buhay ang 90-year-old veteran actor kahapon ng alas-4:55 ng hapon.

“Mr. Eddie Garcia passed away today, June 20, at 4:55pm,” ayon sa advisory.

Nabatid na halos da­lawang linggo ring nag-agaw buhay si Garcia sa intensive care unit ng nasabing ospital matapos matisod sa cable wire at madapa sa gitna ng taping ng isang TV series ng GMA network sa Tondo, Maynila.

Dito ay nagkaroon siya ng neck fracture na nauwi sa kanyang pagka-comatose simula nitong June 8.

Kamakailan, nagpalabas ng waiver ang pamil­ya ni Garcia na hindi na siya ire-revive sakaling tuluyang bumigay na ang lahat ng kanyang vital signs kaya inilagay siya sa DNR o “do-not-resuscitate” status.

Ipinanganak si Garcia noong Mayo 2, 1929 sa Juban, Sorsogon at nagsilbi sa Philippine military noong World War II bilang military policeman sa Okinawa, Japan. 

Ninais ni Garcia na manatili bilang sundalo ngunit dumating ang tawag ng pelikula na umpisa ng kanyang tagumpay.

Itinuturing na isa sa pinakamalaking haligi ng lokal na pelikula si Garcia sa kanyang mahabang career na tumagal ng halos pitong dekada at higit 600 pelikula bilang aktor at direktor at humakot ng napakara­ming parangal.

Sa mga unang taon niya sa showbiz, gumaganap siyang kontrabida tulad ng magnanakaw, rapist o killer. Batid niyang epektibo siya sa kanyang pag-arte dahil kinamumuhian siya ng mga tao dahil sa kanyang papel na kontrabida.

Nabatid na matagal na lumabas si Garcia sa “Ang Probinsyano” ng ABS-CBN.

Show comments