Botohan sa House Speaker ng Party-list Coalition naudlot
MANILA, Philippines — Naudlot ang nakatakdang botohan ng mga miyembro ng party-list coalition kung sino ang kanilang susuportahan at iboboto bilang susunod na magiging House Speaker sa pagbubukas ng 18th congress.
Sa inisyal na bilangan, pinaghahatian ni dating DFA Sec. Alan Peter Cayetano at House Speaker Pantaleon Alvarez ang anim na boto, samantalang si Cong. Allan Lord Velasco ay nakakuha ng 11 votes habang si Cong. Martin Romualdez ay nakakuha naman ng majority votes na 29. Ang koalisyon ay may kabuuan na 54 votes.
Isinantabi ng liderato ng koalisyon ang botohan dahil mas piniling hintayin nila ang pasya ni Pangulong Duterte.
Nabatid na noong oras na iyon ay umiikot sa Samar ang Pangulo kasama si Cong. Romualdez at ipinakikilala sa harap ng mga heneral sa isang kampo na susunod na magiging House Speaker.
Nalulugod naman si Romualdez sa pagpapakilala sa kanya ng Pangulo at nagsabing kung siya nga ang mapalad na magiging House Speaker ay magiging pantay-pantay ang kanyang pagtingin sa kanyang mga kapwa Congressman na walang ‘second class citizen’ na inirereklamo ng mga party-list members.
- Latest