Ex-mayor itinumba ng 20 maskarado
MANILA, Philippines — Isang dating alkalde sa lalawigan ng Cebu ang pinagbabaril ng 15-20 armadong lalaki na naka-bonnet habang naka-“hospital arrest” sa bayan ng Medellin, Cebu nitong Martes ng gabi.
Namatay noon din ang biktimang si Medellin Mayor Ricardo “Ricky” Ramirez, 55, detainee sa Bogo-Medellin District Jail at naka-hospital arrest sa Bogo Medellin Medical Center sa kasong illegal possession of firearms.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 7 Director Police Brig. Gen. Debold Sinas, nangyari ang insidente habang ang biktima ay binabantayan ng isang miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) bilang escort nito sa nasabing pagamutan sa Brgy. Luy-a ng bayang ito.
Naka-confine ang biktima matapos dumaing ng paninikip ng dibdib.
Ayon kay Police Lt. Col. Eloveo Marquez, spokesman ng Cebu Police, pinasok ng 15 hanggang 20 mga armadong lalaki ang nasabing pagamutan at agad dinisarmahan ang mga guwardiya.
Kinumpiska ng mga armadong suspek ang cellphone ng mga staff ng nasabing ospital at tinanong ang mga nurse na naka-duty dito kung saan ang kuwarto ng dating alkalde na agad nilang pinasok.
Wala namang nagawa ang escort na nag-iisang miyembro ng BJMP na agad itong dinisarmahan.
Nagawa pang makatakbo sa comfort room ng alkalde pero sinundan ito ng mga suspek at dito na siya niratrat.
Sinabi ni Marquez na si Ramirez, isang kumpirmadong drug user ay inaresto noong Hulyo 2017 sa kasong unlawful possession of firearms at nakulong sa nasabing kaso.
- Latest