MANILA, Philippines — Mariing tinutulan ng mga beteranong kongresista ang panukala ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano na term-sharing agreement para sa speaker ng Mababang Kapulungan.
Sinabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na sa tingin niya ay hindi magandang ideya ang sinasabi ni Cayetano at madali lamang itong sabihin kaysa gawin.
Paliwanag pa ng beteranong kongresista, hindi maganda para sa Kamara ang term sharing position sa ibang kongresista dahil mawawalan ng continuity at deliberasyon para sa mga panukalang batas at maaari itong mabinbin.
Sa madaling salita umano, ayon kay Pimentel mawawalan ng stability ang liderato ng Kamara at hindi maganda para masuportahan ang legislative agenda ng Pangulo.
Para naman kay Buhay Rep. Lito Atienza, hindi praktikal at hindi magiging epektibo ang term sharing sa speakership.
Paliwanag pa niya, ang dapat ay bumoto ng isang speaker ang mga kongresista na susuportahan nila sa loob ng tatlong taon.
Nauna ng sinabi ni Atienza na mas gusto niya ang bata at bagong pangalan para sa susunod na speaker ng 18th Congress.