MANILA, Philippines — Pormal nang naisabatas nitong ika-17 ng Abril ang panukalang mag-oobliga sa mga public transportation terminals na magbigay ng libreng serbisyong internet at mas mahusay na palikuran.
Isinapubliko ng Official Gazette ang Republic Act 11311 Miyerkules, na kilala rin bilang "An Act to Improve Land and Transportation Terminals, Stations, Stops, Rest Areas and Roll-on/Roll-off terminals."
Saklaw ng libreng internet ang mga transportation terminals, istasyon, stops, rest areas at mga terminal ng RORO.
"[T]he Department of Information and Communications Technology, in coordination with the Department of Transportation and other converned stakeholders, shall ensure that free internet is provided in transportation terminals, stations, stops, rest areas and RORO," sabi ng batas.
Alinsunod daw ito sa Republic Act 10929 o "Free Internet Access in Public Places Act."
Bukod dito, sinasabi din sa bagong batas na kinakailangang magkaroon ng 'di bababa sa isang "lactation station" ang bawat terminal, kung saan maaaring magpasuso ng sanggol ang mga ina.
"The lactation stations shall be clean and compliant with the applicable provisions under Republic Act No. 7600, as amended by Republic Act No. 10028, otherwise known as the 'Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009' and its rules and regulations," dagdag ng Gazette.
Banyo sa terminals, stops libre na
Maliban sa libreng internet at lugar kung saan maaaring magpasuso ang mga nanay, ipagbabawal na ng batas ang paniningil ng bayad sa mga banyo ng mga terminal.
"It shall be unlawful to collect fees from passengers for the use of regular sanitary facilities therein," dagdag ng batas.
Kakailanganin lang daw ipakita ng pasahero ang bayad niyang ticket upang makagamit ng libreng sanitary facilities.
Hindi naman daw sakop ng libreng serbisyo ang mga hiwalay na "deluxe sanitary facilities" na pinatatakbo para sa kumersyal na kadahilanan.
Parusa sa mga hindi susunod
Para sa mga patuloy na maniningil para sa mga regular na palikuran, papatawan ng P5,000 multa kada araw ng paglabag ang mga may-ari, operator, o administrador nito.
Maliban sa mga parusahang nakasaad sa Section 21 ng "Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009," papatawan din ng P5,000 multa kada araw ang mga nasabing lugar na hindi magmimintena ng lactation station.
Maaaring patawan ng P5,000 multa kada araw naman ang mga hindi susunod sa tamang pamantayan para sa mga sanitary facilities.