De Lima hiling na makupkop ang nasagip na pusa na si ‘Van’

Ayon sa grupong Cats of Araneta, napag-alaman na itinali ang leeg ng pusa sa likod ng isang trak at pinilit itong habulin ang sasakyan.

MANILA, Philippines — Hiniling ni Sen. Leila de Lima sa isang sulat na payagan siyang kupkupin ang nailigtas na inabusong pusa mula sa Quezon City na pinangalanang “Van.”

Ayon sa grupong Cats of Araneta, napag-alaman na itinali ang leeg ng pusa sa likod ng isang trak at pinilit itong habulin ang sasakyan.

Nakita na nakaranas ang pusa ng paulit-ulit na abuso base sa samu’t sari nitong mga sugat sa leeg at ibang parte ng katawan, bukod pa sa mukhang nabubulok sa sugat na nitong mga paa.

"I wish to adopt 'Van' and be allowed to take care of him here in my detention quarters, along with my other stray cats. Please," sabi niya sa isang liham na ipinaskil Martes.

(Gusto kong ampunin si "Van" at mahayaang alagaan siya dito sa aking piitan, kasama ng iba pang ligaw na pusa. Sige na po.)

Labis daw na naiyak ang senadora sa nabasang istorya nito lalo na’t kamamatay lamang ng kanyang paboritong pusa na si “Bran” noon lamang ika-12 ng Hunyo.

Aniya, gusto raw niyang alagaan ang pusa kasama ng iba pa niyang mga alagang ligaw na pusa sa kanyang detention quarters sa Camp Crame.

Ang pusa ay nailigtas nang parahin ng isang hindi pinangalanang gwardya ang trak na humahatak dito matapos tawagin ng isang nabahalang residente.

Pinuri at pinasalamatan ni De Lima ang Cats of Araneta at ang gwardyang sumaklolo sa pusa para sa agarang pagtugon nila sa mga pangangailangan nito.

"I throw my full support to them in their intended filing of appropriate charges against the perpetrators pursuant to the Animal Welfare Act," dagdag niya.

(Ibinibigay ko ang buo kong suporta sa kanilang kagustuhang maghain ng kaso laban sa mga may kagagawan alinsunod sa Animal Welfare Act.)

Panawagan ni de Lima, “Humans must learn to respect lesser and weaker creatures. No to cruelty to animals!”

(Dapat matutong irespeto ng mga tao ang mga mas mababa at mas mahihinang nilalang. Huwag pagmalupitan ang mga hayop!) — Philstar.com intern Gab Alicaya

Show comments