DILG sa LGUs
MANILA, Philippines — Ipinagutos kahapon ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa lahat ng mga mayor ng mga lungsod at bayan na kanselahin o ipawalambisa na ang mga business permit ng KAPA upang maiwasang mag-invest ang publiko sa pinaghirapan nilang pera sa kontrobersyal na investment scam.
Nauna rito, inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang operasyon ng Kapa Community Ministry International inc..
Hinikayat ni Año ang lahat ng pinuno ng Local Government Unit (LGU) na itigil ang pagbibigay ng business permit sa Kapa, mga katuwang nitong subsidiary, at mga organisasyon maging ang lahat ng aplikasyon para sa permit ng grupo.
Ang kautusan ng DILG ay inilabas matapos ipawalambisa ng Securities and Exchange Commission ang certificate of registration ng Kapa at ma-secure ang higit sa P100-milyong mga asset nito sa pamamagitan ng asset freeze order na ipinalabas naman ng Court of Appeals.
Nauna na ring inutos ng Pangulo sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation na ipahinto ang operasyon ng Kapa matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa publiko na ang grupo ay nang-iingganyo na mag-donate ng halagang hindi bababa sa P5,000 na may balik na 30% kada buwan.
“Sa kaso ng Kapa, malinaw na may pag-abuso sa pribilehiyong ipinagkaloob ng pamahalaan sa pagpasok nito sa isang negosyo na nangangako ng kitang hindi nito kayang tuparin,” sabi ni Año.
Nagsimula ang operasyon ng Kapa tatlong taon na ang nakararaan sa Bislig, Surigao Del Sur na lumawak at kumalat sa Mindanao bago nito narating ang Visayas at Luzon.