MANILA, Philippines — Kalahati ng mga uupong bagong miyembro ng papasok sa 18th Congress ay mga first timer na kongresista.
Ayon kay House of Representatives Secretary General Roberta Maling, naglalaro sa 135 hanggang 145 na mga first timer na kongresista ang uupo sa pagbubukas ng bagong kongreso.
Sa kabila nito, hindi pa umano maibibigay ni Maling ang eksaktong numero dahil may mga pagdedesisyunan pa ang Comelec partikular sa dami ng mauupong partylist Representatives at nagsasagawa pa sila ng naantalang halalan sa Southern Leyte at Palawan. Inaasahan naman na maglalaro sa 304 hanggang 306 ang mga mauupomg kongresista.
Kaugnay nito, nasa 75 hanggang 80 porsiyento nang handa ang Kamara para sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte. Inihayag ito ng Kamara kahit na mahigit isang buwan pa bago ang SONA sa Hulyo 22.
Ayon kay Maling, wala namang halong pagkakaiba sa SONA kumpara noong nakaraang taon at sa mga nakalipas pa.