MANILA, Philippines — Mariing itinatanggi ng Commission on Elections na may naganap na dayaan sa eleksyon sa gitna ng kumakalat na paskil tungkol sa pakalat-kalat na ballot box.
Tinutukoy nila ang Facebook post ni Sam Zailon Esmael, kung saan makikitang lumulutang sa isang palaisdaan sa Datu Salibo, Maguindanao ang pinaglalagakan ng boto.
Paratang ni Esmael, "pinalubog" ng Comelec ang ilang balota upang sadyang hindi mabilang ang mga boto nito.
"[N]arito rin po ang mga boto ng mga tao kung saan nilubog o pinalubog ng comelec para maisagawa niya ang pandadayang kanilang ginawa para maipanalo niya ang winning candidate n si Solaiman Sandigan for mayor," sabi ni Esmael sa FB.
Tumakbo si Esmael sa pagkaalkalde ng Datu Salibo, Maguindanao, ngunit natalo matapos makakuha ng 273 mula sa 5,000 boto na nabilang sa lugar.
Sinasabing 9,504 ang rehistradong botante sa nasabing bayan.
Pero paliwanag ng Comelec, wala silang kinalaman sa nangyari sa ballot box.
"The Commission on Elections strongly denies allegations of poll fraid in the 2019 elections made by a certain Mr. Sam Zailon Esmael in his social media post on 14 June 2019," sabi ni Comelec spokesperson James Jimenez sa isang pahayag.
(Itinatanggi ng Commission on Elections ang mga alegasyon ng dayaan nitong halalan 2019 na inilutang ng isang G. Sam Zailon Esmael sa kanyang paskil sa social media nitong ika-14 ng Hunyo 2019.)
Ayon sa municipal treasurer na si Ali A. Mamoribid, na may mandatong humahawak ng mga ballot box pagkatapos ng eleksyon, "nanakaw" ang mga mula sa municipal office ng mga 'di pa nakikilalang tao ang mga naturang kahon.
Sa kabila nito, tiniyak ni Jimenez na malinis ang nangyaring halalan sa nasabing lugar.
"...Datu Salibo Election Officer Mary Ann Marohombsar maintains that the conduct of the May 13 polls in her jurisdiction was fraud-free," dagdag ng tagapagsalita.
(Naninindigan si Datu Salibo Election Officer Mary Ann Marohombsar na ligtas mula sa anumang dayaan ang eleksyon nitong ika-13 ng Mayo sa kanilang lugar.)
Nakikipag-ugnayan na raw si Mamoribid sa Comelec, Maguindanao kaugnay ng insidente at magsasagawa na rin daw ng imbestigasyon dito ang Philippine National Police.