Pulong ni Duterte sa kapitan ng lumubog na bangka 'di tuloy
MANILA, Philippines — Kinansela raw ang espesyal na pagpupulong ng Gabinete para sa insidente na kinasangkutan ng 22 Pilipinong mangingisda at isang Chinese fishing vessel, ayon sa kampo ng mga biktima.
Ang kapitan ng F/B GEM VIR1 na si Junel Insigne ay papunta na sana sa Maynila para itala ang nangyaring pagbangga sa kanila sa may Recto Bank noong ika-10 ng Hunyo.
Kasama niya si Richard Blaza, ang tagaluto nila sa bangka, na nakakita sa paparating na Chinese trawler.
"'Yun nga po, gusto [raw] po akong makausap ni presidente tungkol sa nangyari na 'yan," sabi niya Insigne sa panayam ng ABS-CBN.
Siya ay papunta na sa katabing lungsod ng Calapan nang tawagan ng kanyang misis upang iparating ang nasabing pagkansela.
Ika-9 ng Hunyo nang mabangga ng isang Chinese vessel ang bangka nina Insigne at iwanan sa katubigan ng West Philippine Sea.
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nagpatawag ng special cabinet meeting si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa insidente sa Recto Bank ngunit 'di na raw ito tuloy, sabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea. Wala naman daw kasi si Duterte sa pulong.
Ayon naman kay Secretary to the Cabinet Karlo Nograles nung Linggo na ang nakatakdang magpulong ngayong Lunes ay mga Cabinet cluster na pinamumunuan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at Finance Secretary Carlos Dominguez III. Hindi makakadalo si Duterte dahil puno ang skedyul nito, sabi ni Nograles.
Panelo: Walang ganun
Itinanggi naman ni presidential spokesperson Salvador Panelo na nakatakdang makipagkita ang presidente sa mga mangingisda.
"As far as I know, wala akong narinig na request, at wala ring nag-imbita," wika ng tagapagsalita sa isang press briefing Lunes.
Nais sanang ihayag ng kampo nina Insigne ang mga totoong pangyayari at ang kanilang pagnanais na panagutin ang kapitan ng bangka na bumangga sa kanila.
Cusi: Daplis lang, hindi sinadya ng Chinese vessel
Sa panayam ng ABS-CBN, ipinarating ni Insigne ang kanyang panlulumo sa nasabi ni kalihim ng Department of Energy na si Alfonso Cusi, noong Linggo sa San Jose, Occidental Mindoro, na mukhang daplis lang naman ang nangyaring pagbangga sa kanila.
Ani Cusi, sa gilid lamang daw kasi ang daplis, at dapat sana'y sa gitna inararo kung talagang sinadya silang banggain.
Ipinarating din ng asawa ni Insigne na si Lani ang labis na pagkadismaya sa pahayag ni Kusi. Sinabi niyang tila minamaliit sila sa paratang na gawa-gawa lamang ang istorya.
Dagdag pa niya, parang laban sa mga Pilipino ang kalihim.
“Gusto pa pala niyang mamatay muna ang mga tauhan para mapatunayan na binangga talaga,” ani Lani.
Bukod sa paghahayag ng mga tunay na pangyayari at pagpapanagot sa kapitan ng kabilang bangka ay ninanais din ni Insigne na sana'y maipagawa ang kanilang bangka upang sila ay makapalaot nang muli. — Philstar.com intern Gab Alicaya
- Latest