MANILA, Philippines — Matapos ang ilang na araw na pagkakakulong, pinalaya na ng National Bureau of Investigation kahapon, ang co-owner ng WellMed Dialysis Center na nasasangkot sa alegasyon ng ghost claims.
Si Dr. Bryan Sy, co-owner ng WellMed Dialysis Center, ay naaresto noong Lunes dahil sa umano’y pag-utos sa kaniyang mga dating empleyado na kumuha ng dialysis treatment claims ng mga yumao nang pasyente sa PhilHealth.
Ayon sa abogado ni Sy na si Atty. Rowell Ilagan, pinalaya ang kaniyang kliyente matapos na iutos ng Branch 6 ng Metropolitan Trial Court nang makapaglagak ng piyansang P72,000.
Noong Biyernes, kinasuhan ng Department of Justice si Sy kasama ang dati nitong empleyado na sina Edwin Roberto at Leizel Aileen de Leon ng estafa sa pamamagitan ng pamemeke ng official documents.
Sina Roberto at de Leon ang nagsiwalat ng umano’y kabulastugan na ginagawa ng WellMed. Nakakuha umano ng P800,000 sa ghost PhilHealth claims mula noong 2016 hanggang 2018.
Sumulat si Sy noong Huwebes kina Justice Secretary Menardo Guevarra at NBI Director Dante Gierran upang hilingin ang kaniyang kalayaan dahil ang kaniyang detention ay lumagpas na sa 36 oras.
Ang mga awtoridad ay mayroong hindi lalagpas sa 36 oras upang idetine ang isang suspek nang walang isinasampang kaso sa korte, base sa Article 125 ng Revised Penal Code.