Sa pagpili ng Speaker
MANILA, Philippines — Ang pagpapalit ng liderato ng Kamara noong nakaraang taon ang siyang magiging gabay ng mga kongresista sa pagpili ng bagong Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi nina Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon, Deputy Speaker at Sulu Rep. Munir Arbison, House Majority Leader at Capiz Rep. Fredenil “Fred” Castro, Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., at Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo na ang susunod na speaker ay hindi dapat divisive at kayang dalhin ang reporma na ipinatutupad ni Pangulong Duterte.
Gayundin napakahalaga din umano ang “acceptability” sa mga kongresista para makapagdesisyon kung sino ang susunod na Speaker kung saan titingnan din nila ang personalidad at motivation ng isang kandidato sa kanyang pagtakbo.
Idinagdag pa ni Leachon na dapat magsilbing aral ang nangyaring pagpapalit ng nakaraang liderato dahil hindi sumuporta ang mga kongresista sa kilala nila at didinig sa kanilang mga pangangailangan at sentimyento kahit walang halong politika.
Matatandaan na si dating House Speaker Pantaleon Alvarez ay napatalsik ng mga kongresista at pinalitan ni Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Nauna na ring sinabi ni House Minority Leader and Quezon Rep. Danilo “Danny” Suarez na may nakapirma nang 153 mga kongresista sa kanilang manifest of support para sa speakership ni Leyte Rep. Elect Martin Romualdez subalit sa kasunduan na kung walang iendorso si Pangulong Duterte na kandidato.
Para naman kay Arbison, wala siyang nakikitang problema kahit sino ang maluklok na Speaker dahil lahat naman ng kandidato ay halos kaalyado ng Pangulo.
Subalit para kay Arbison, malaki ang tsansa ni Romualdez na maging Speaker kung mayorya ng kongreso ay susuporta sa kanya.