China sinungaling! - Pinoy fishers

Ito ang sinabi ni Junel Insigne, kapitan ng fishing vessel F/B Gem-Ver 1 sa pahayag ng China na walang nangyaring “hit and run” at tinangka ng mga itong tulu­ngan ang 22 tripulante ng pinalubog na Pinoy fishing vessel sa Recto Bank.
Navy Photo

Sa pahayag na walang ‘hit and run’

MANILA, Philippines — “Sinungaling sila (Chinese) matapos nila kaming banggain, tinakbuhan kami, mabuti na lamang at tinulungan kami ng Vietnamese fishing vessel na nagka­taong napadaan doon.”

Ito ang sinabi ni Junel Insigne, kapitan ng fishing vessel F/B Gem-Ver 1 sa pahayag ng China na walang nangyaring “hit and run” at tinangka ng mga itong tulu­ngan ang 22 tripulante ng pinalubog na Pinoy fishing vessel sa Recto Bank.

Ayon pa kay Insigne, hindi rin totoo na may mga kasama silang iba pang mga Pinoy fishing vessel sa bahagi ng Recto Bank ng mangyari ang insidente na umano’y tinangkang ata­kihin ang China.

“Lumubog na nga kami, kami pa ba ang aatake,” ani Insigne.

Sa Facebook account ng Chinese Embassy ay inamin nito na isa sa kanilang mga fishing vessel ang sangkot sa banggaan pero itinangging walang ‘hit and run’ sa South China Sea (West Philippine Sea ).

Sa halip, sinabi ng China sa statement nito na natakot lamang umano ang mga tripulante ng Chinese fishing vessel na kuyugin ng mga Pinoy na sakay naman ng 7-8 fishing vessel sa lugar na pinalibutan ang kanilang Yuemaobinyu 42212 kaya hindi nagawang tulungan ang mga Pinoy crew men.

Depensa pa ng China, nang makita nilang tinulungan na ang mga tripulanteng Pinoy ay saka lamang sila umalis sa lugar.

Pero tinanggal na sa FB ang kanilang ipinost matapos ang ilang oras.

Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na binangga o nabangga ay hindi dapat takbuhan ng Chinese fishing vessel ang mga mangingisdang Pinoy na dapat ay tinulungan ng mga ito sa gitna na rin ng kinaharap na panganib sa kanilang buhay.

Nakatakda namang magpadala ang Philippine Navy ng karagdagang mga patrol ships sa lugar upang mapaigting pa ang maritime patrol sa isla na inookupa ng Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryo.

Kaugnay nito, umapela ng tulong kay Pa­ngulong Duterte si Insigne dahil nanga­ngailangan ng P1 milyon ang may-ari ng nasabing fishing vessel para maipagawa ito.

Ang nasabing mga tripulante ay sinalubong ng kanilang mga pamilya kahapon ng madaling araw sa pantalan ng San Jose, Occidental Min­doro kung saan naging emosyonal ang nasabing tagpo.

Show comments