MANILA, Philippines — Kung hindi maghahain ng kanyang kontra-ebidensya, sinabi ng Sandiganbayan na maaaring sapat na ang mga ebidensya ng prosekusyon ng Office of the Ombudsman para ma-convict si dating Sen. Jinggoy Estrada sa kasong plunder.
'Yan ay matapos ibasura ng Sandiganbayan Fifth Division nitong Biyernes ang inihaing "demurrer to evidence" patungkol sa plunder case kaugnay ng Priority Development Assistance Fund scam.
Sabi sa ulat ng The STAR, malakas daw kasi ang ebidensyang inihain ng prosecution team sa pagtitimbang ng korte.
Ang demurrer to evidence ay ginagamit para hamunin ang kasapatan ng ebidensya ng prosekusyon laban sa inirereklamo.
Ito'y nagbubunsod sa pagkakabasura ng kaso habang kalagitnaan ng pagdinig, kahit na hindi pa nagpapakita ng kontra-ebidensya ang akusado.
Dahil dito, kinakailangang magsumite ng kampo ni Estrada ng mga ebidesnya para mapasinungalingan ang mga argumento ng prosekusyon.
Inaakusahan si Estrada ng pagkamal ng P183-milyong "kickback" sa pagdidirehe ng kanyang PDAF, o pork barrel, sa mga pekeng non-government organizations na iniuugnay kay Napoles.
Ang akusasyon, ilang beses nang itinaggi ni Jinggoy.
Matatandaang tumakbo pa sa 2019 midterm elections sa pagka-senador si Estrada sa ilalim ng bandila ng Hugpong ng Pagbabago ngunit natalo.
Pinaniniwalaang ang negosyanteng si Napoles ang utak sa likod ng anomalya.
Nitong Disyembre, napatunayang nagkasala ng Sandiganbayan si Napoles para sa pandarambong sa hiwalay na kaso pagdating sa mga inilaang PDAF ni Senator-elect Ramon "Bong" Revilla Jr.
Kwinestyon ni Napoles ang conviction sa pamamagitan ng motion for reconsideration ngunit pinanindigan ito ng Sandiganbayan.
Inabswelto ng korte si Revilla ngunit inutusang ibalik ang P124 milyong kaban ng bayan. — James Relativo at may mga ulat mula kina Elizabeth Marcelo at Kristine Joy Patag