MANILA, Philippines — Sa gitna ng mga problema sa "right of way," inaasahan ng San Miguel Corp. na makukumpleto ang Metro Rail Transit Line 7 sa taong 2022.
Taliwas ito sa nauna nang anunsyo na matatapos ang linya ng tren sa susunod na taon.
Pero paliwanag ni SMC president at chief operating officer na si Ramon Ang, kaya nang patakbuhin ang unang bahagi nito pagsapit ng 2021.
"Yung first portion 2021 pwede nang buksan, but we think matatapos lahat yan by year 2022. Maraming right of way problem eh. Kasi yung dinadaanan puro masisikip," ani Ang sa isang shareholder's meeting.
Sa ilalim ng batas, maaring kunin ng pamahalaan ang easement o espasyo sa paligid ng isang infrastructure project pero kailangan nitong magbayad sa may-ari ng lupa. Sa ilalim rin ng batas, ang mga "informal settler" na apektado ng gagawing infrastructure project ay ililipat ng pamahalaan sa resettlement site.
Parte ng unang bahagi ng MRT-7 ang North EDSA hanggang Fairview.
Tatakbo naman ang buong railway system mula North Avenue station sa Lungsod ng Quezon hanggang San Jose del Monte station sa Bulacan at nagkakahalaga ng P62.7 bilyon.
Inaasahan na makapagseserbisyo ito sa mahigit 420,000 pasahero oras na maging fully operational.
Maliban sa linya ng tren, bahagi rin ng proyekto ang six-lane highway sa kahabaan ng North Luzon Expressway at isang Intermodal Transportation Terminal na kayang maglaman ng 200 buses sa isang takdang panahon.
Nilinaw din ni Ang na naplantsa na ang isyu ng train depot sa korte ng Bulacan.
Una nang naantala ang pagkuha ng 33-ektaryang ari-arian sa Bulacan na ilalaan sa train deport bunsod ng mga isyu ng expropriation.— James Relativo at may mga ulat ng BussinessWorld at ONE News