MANILA, Philippines — Kinasuhan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang may-ari ng WellMed Dialysis Center na naningil umano ng ‘ghost claim’ sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ang NBI na ang nagsampa ng kaso para sa PhilHealth sa Department of Justice ng kasong estafa at falsification of documents laban kay Dr. Brian Sy, may-ari ng WellMed na nakabase sa Quezon City.
Ang mga kaso ay batay sa alegasyon ng dalawang dating empleyado ng WellMed na nagsampa umano si Sy ng benefit claim sa PhilHealth para sa namatay na mga pasyente.
Kasama rin sa idinemanda ang ibang mga opisyal ng WellMed na sina Dr. John Ray Gonzales, medical director; Claro Sy, chairman; Alvin Sy, corporate treasurer; Therese Francesca Tan, purchasing officer; Dick Ong, administration officer; at physicians Dr. Porshia Natividad at Joemie Soriano.
Kinasuhan din sina Edwin Roberto at Liezel Aileen De Leon, ang dalawang dating empleyado na nagbunyag sa umano’y ghost claims scheme.
Sinabi ng NBI na kumukuha pa ng bayad ang WellMed sa PhilHealth para sa dialysis treatments samantalang matagal ng patay ang pasyente.
Nakasaad din sa affidavit ng whistleblower na si Roberto na mismong si Sy ang nag-utos noong Marso 30, 2016 na i-charge sa PhilHealth ang treatment ng dalawang patay na pasyente na nagkakahalaga ng P2,600.
Sinabi ni Roberto na, bago siya nagbitiw sa kanyang trabaho noong Marso 2018, ang PhilHealth ay nagbayad sa WellMed ng P600,600 para sa 200 session gamit ang claim ng mga namatay na pasyente. Meron ding mga unpaid claims na halagang P208,000 para sa 80 sessions na nabayaran kinalaunan.
Binanggit ng NBI ang sinumpaang salaysay ng isang special investigator ng PhilHealth na si John Cueto na nagsabing patuloy na nagsasampa ang WellMed ng PhilHealth reimbursement forms para sa kanilang mga pasyente.