Mga opisina ng KAPA sinalakay

Ito’y matapos sala­kayin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) bitbit ang search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 20 ang mga opisina ng KAPA sa Taytay, Rizal; Bagabag, Nueva Viscaya, at Cebu nitong Lunes at makum­piska ang mga mahahalagang dokumento, resibo at mga computer na ginagamit umano ng grupo sa kanilang operasyon.

MANILA, Philippines — Kasong large-scale estafa at syndicated estafa ang isasampa laban sa religious organization na KAPA Community Ministry International.

Ito’y matapos sala­kayin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) bitbit ang search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 20 ang mga opisina ng KAPA sa Taytay, Rizal; Bagabag, Nueva Viscaya, at Cebu nitong Lunes at makum­piska ang mga mahahalagang dokumento, resibo at mga computer na ginagamit umano ng grupo sa kanilang operasyon.

Sinabi ni Antonio Pagatpat, NBI deputy director for regional operation services, nagawa ng ahensya na malaman ang totoong mga akitibidades ng organisasyon dahil ilang NBI agents ang mismong kasali sa grupo at pinatotohanan na hindi naman pala totoong nagsasagawa ng mga religious activities ang KAPA.

Una nang nag-isyu ang Securities and Exchange Commission ng cease and desist order dahil sa pag-ooperate ng kumpanya ng walang lisensya mula sa SEC.

Pero nagpatuloy pa rin sa operasyon ang Kapa at pagtanggap ng investment o donasyon para sa kumpanya kapalit ang hindi bababa sa 30 por­syentong tubo o tinawag nilang “blessing”.

Nag-isyu na rin ang Court of Appeals ng freeze order sa mga bank accounts at assets ng mga sangkot sa Kapa matapos naman ang inihaing petisyon ng SEC at Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Ang KAPA ay nagre-recruit at nanghihikayat ng mga miyembro para magdonasyon ng pera kapalit ng 30% na kita kada buwan.

Dahil 5 milyon ang mga miyembro na may minimum na investment na P10,000 ay umaabot sa P50 bilyon ang perang pumasok sa KAPA.

Kaugnay nito, hinika­yat naman ni PNP Spokesman Col. Bernard Banac ang mga naging biktima ng KAPA na lumantad at magsampa ng kaso.

Mahigpit na ring pi­nababantayan ngayon ng Department of Justice (DOJ) sa mga tauhan ng Bureau of Immigration ang mga paliparan at pantalan sa bansa dahil sa posibilidad na tumakas palabas ng bansa ang mga opisyal ng Kapa. (Joy Cantos/Rey Galupo)

Show comments