MANILA, Philippines — Bunsod ng mga "peligrong" idudulot diumano sa mga katutubo, hindi raw hahayaan ng rebeldeng New People's Army na matuloy ang pagpapatayo ng $231.59 milyong New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project.
Ayon kay Eliza "Ka Eli" de la Guerra, deputy spokesperson ng Apolonio Mendoza Command ng NPA—Quezon nitong Lunes, maaapektuhan daw ng konstruksyon nito ang mahigit-kumulang 10,000 pamilya.
"This dam project would flood 9,700 hectares of watershed areas including ancestral lands belonging to the indigenous Dumagat and Remontado tribes and would submerge large parts of Barangay Daraitan, Tanay, Rizal, Barangay Pagsangahan, Gen. Nakar and Barangay Magsaysay, Infanta, Quezon," ani De La Guerra.
(Babahahin ng dam ang 9,700 ektaya ng watershed area kasama ang lipunang ninuno ng katutubong Dumagat at Remontado at maglulubog sa malaking bahagi ng Barangay Daraitan, Tanay Rizal, Barangay Pagsangahan, Gen. Nakar at Barangay Magsaysay, Infanta Quezon.)
Sa 10,000 pamilya, 1,500 raw dito ang agad-agad na maaapektuhan.
Dagdag pa ng mga rebelde, na pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines, wala rin daw "free prior and informed consent" na kinuha mula sa mga Dumagat at Remontado sa proyekto na hinihingi ng Republic Act 8371 o Indigenous Peoples Rights Act.
Bahagi ng Build, Build, Build program ni Pangulong Rodrigo Duterte, plano nitong kumuha ng maiinom na tubig mula sa Kaliwa-Kanan-Agos River mula sa bulubundukin ng Sierra Madre upang maghatid ng tubig sa Kamaynilaan.
Kukunin mula sa utang mula sa Tsina ang $211.21 million pondo para sa proyekto.
Panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang dam project ngunit hindi raw natutuloy dahil sa organisadong pagkilos ng mga taga-probinsya ng Rizal, Quezon, taong simbahan, environmentalists at mga rebolusyonaryo.
"Even the local governments of Tanay, Rizal and Infanta, Quezon are opposing the project," paliwanag ni De La Guerra.
(Kahit ang mga lokal na pamahalaan ng Tanay, Rizal at Infanta, Quezon ay tumitindig laban sa proyekto.)
Nitong Marso, matatandaang muling inilutang ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ang pangangailangan sa Kaliwa Dam bunsod ng nangyaring krisis sa suplay ng tubig sa Kamaynilaan at Rizal nitong mga nakaraang buwan.
Aniya, ito raw ang pangmatagalang solusyon sa problema kung nais na maging stable ang pagkukunan ng tubig.
"An immediate solution for probably the next 20 years is the Kaliwa Dam. Further than that, we need the Laiban Dam. Let’s say we’re talking about a 50-year plan we need a bigger water source than Kaliwa," sabi ni MWSS chief regulator Patrick Ty.
(Pangmabilisang solusyon sa susunod na 20 taon ang Kaliwa Dam. Lagpas diyan, kakailanganin ang Laiban Dam. Sa loob ng 50 taon, kakailanganin natin ng mas malaking mapagkukunan sa Kaliwa.)
Pero sabi ng NPA, gusto lang daw ni Duterte na gamitin ang kaban ng bayan para "maibulsa" ito ng mga oligarko, militar at mga "Tsinong kaibigan" niya.
Kilalang malapit si Digong kay Chinese President Xi Jinping, na magpapautang sa bansa para sa proyekto.
Dagdag pa ng armadong grupo, inutusan na raw ni Duterte ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police para bantayan ang konstruksyon ng dam upang "maprotektahan ang interes ng Tsina at kanyang militar na alipores sa MWSS."
"The Apolonio Mendoza Command (AMC-NPA-Quezon), with the support of the people, vows to launch tactical offensives to stop the construction of Kaliwa Dam and all anti-people project of the reactionary government posing as 'development projects,'" dagdag ni NPA.
(Sa suporta ng taumbayan, nangangako ang Apolonio Mendoza Command na maglunsad ng taktikal na opensiba para pigilan ang pagtatayo ng Kaliwa Dam at iba pang kontro-mamamayang proyekto ng reaksyunaryong gobyerno na nagkukunwaring "development project.")
Patunay lang daw ang mga opensibang inilunsad ng AMC-NPA sa Real, General Nakar at Infanta sa lumalaking kapasidad ng lihim na kilusan sa Quezon para "parusahan ang mga mandarambong ng Sierra Madre."
"The Kaliwa Dam project will be stopped and the ancestral lands of the Dumagat and Remontado tribe will be free from environmental destruction," kanyang panapos.
(Mapipigilan ang Kaliwa Dam project at magiging malaya sa pagkasira ng kalikasan ang lupang ninuno ng mga Dumagat at Remontado.)