5,000 tsuper dineactivate na ng Grab; Drivers nag-protesta

Kuha ng mga nagpro-protestang driver ng Grab.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Grab Philippines na umabot na sa 5,000 driver ng kumpanya ang kanilang kinansela nitong ika-10 ng Hunyo matapos bigong makapagsumite ng patunay na binigyan sila ng provinsional authority ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ito'y kahit na una na nilang sinabi noong nakaraang linggo na 8,000 transport network vehicle service units ang mawawala sa kalsada.

Sa pagharap ni Grab Philippines president Brian Cu sa LTFRB ngayong araw, kanyang inilahad na nakasunod ang 3,000 iba pa sa mga hinihinging rekisitos kaya hindi napawbilang sa 5,000.

Sa ulat ng News5, sinabi nila na ibinatay nila ang inisyal na bilang na 8,000 matapos ilabas ang isang data set mula sa LTFRB.

Sinabi ng kumpanya na wala pa silang impormasyon kung muling nag-apply para sa panibagong prangkisa ang mga nakanselang driver.

Noong ika-31 ng Mayo, binanggit ng LTFRB na magbubukas sila ng panibagong 10,000 slot para sa mga TNVS units simula Hunyo.

Grab: Kulang ang 15,000 unit para punan ang demand

Sa isang Facebook post kahapon, sinabi ni Cu na umabot na sa 8,600 ang nagrehistrong TNVS.

Enero pa raw nang magsimula silang mag-deactivate ng mga sasakyan mula sa kanilang serbisyo.

Bago pa man ang mga pagkansela, aminado ang Grab na kulang na ng 15,000 unit ang Metro Manila dahil sa "taas ng demand."

Lalo lang daw magiging sakit sa ulo ang pagbu-book ngayong nawala na ang 5,000 unit.

"Deactivated drivers can also be reassigned to other Grab business units such as GrabExpress, GrabFood, GrabTaxi, or to another peer through GrabConnect," ani Cu.

(Ang mga na-deactivate na tsuper ay maaari ring mailipat sa iba pang negosyo ng Grab gaya ng GrabExpress, GrabFood, GrabTaxi o sa iba pang peer gaya ng GrabConnect.)

Maglulunsad naman ang Grab ng job fair para matulungan ang kanilang mga partner mula Lunes hanggang Biyernes.

Protesta ng mga driver

Samantala, ikinagalit naman ng mga driver ng Grab ang mga kaganapan.

Ngayong araw, ipinarada ng ilang tsuper ng ride-hailing company ang kani-kanilang mga sasakyan sa tapat ng LTFRB sa kahabaan ng East Avenue, Quezon City bilang pagtutol sa pagkansela sa kanilang mga account.

Mababasa ang mga salitang "Yes to amnesty" sa hood ng mga kotse bilang protesta.

Show comments