Tulfo idineklarang persona non grata ng PMA Alumni

Idinahilan ng PMAAAI sa kanilang hakbang ang paggamit ni Tulfo ng bastos, mapanakit at mapanlait na lengguwahe laban kay Bautista na isang miyembro ng PMA Class of 1985.

MANILA, Philippines — Idineklara na kahapon bilang ‘persona non grata’ ng Philippine Military Academy Alumni Association Inc (PMAAAI) ang brodkaster ng DZRV Radyo Pilipinas na si Erwin Tulfo matapos ang pambabastos at pang-aalipusta nito sa kaniyang programa laban kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Joselito Bautista.

 Ayon kay PMAAAI Spokesman ret. Col. Noel Detoyato, ang desisyon ay napagkasunduan matapos ang ipinalabas na Board Resolution ng grupo.

Idinahilan ng PMAAAI sa kanilang hakbang ang paggamit ni Tulfo ng bastos, mapanakit at mapanlait na lengguwahe laban kay Bautista na isang miyembro ng  PMA Class of 1985.

Idinagdag pa ng organisasyon na ang mga kilos at pananalita ni Tulfo ay hindi lang taliwas sa  Broadcast Code ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas at ng Journalist’s Code of Ethics ng National Press Club kundi laban din ito sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Revised Penal Code.

Ginawa ni Tulfo ang panlalait at pambabastos umano kay Bautista nang tanggihan ng huli ang tawag ng una para sa isang interview sa radio program na “Tutok Tulfo” ng naturang brodkaster noong Mayo 30.

Show comments