MANILA, Philippines — Sa inilabas na Board Resolution No. 19-15 ng Philippine Military Academy Alumni Association, Inc. ngayong araw, idineklara bilang "persona non grata" ang kontrobersyal na broadcaster na si Erwin Tulfo.
Sa larangan ng diplomasya, iginagawad ang persona non grata sa mga taong "hindi katanggap-tanggap" sa isang lugar.
"Mr. Tulfo's presence or participation, physical or by proxy, shall not be appreciated in all activites, programs, or undertakings either sponsored or participated in by the PMAAAI or any of its Chapter members and Affiliate Organizations held inside or outside their respective areas of jurisdiction," sabi ng resolusyon.
Inilabas ng PMA Alumni Association ang pahayag matapos diumano "siraan" sa kanyang palatuntunan sa radyo si Social Welfare Secretary Rolando Bautista.
Sa nasabing programa, sinabi ni Tulfo na "walang silbi" at "demonyo" si Bautista, at nagbantang sasampalin siya kung makikita.
Dagdag pa ni Tulfo, ilulublob din daw niya ang ulo ng dating sundalo sa inidoro.
Wika ng PMAAAI, labag daw sa Broadcast Code ng Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas, Journalist's Code of Ethics ng National Press Club at Republic Act 10175 ang ginawa ng radio host.
"[T]hese libelous language of MR. TULFO, effectively and assiduously erodes the 'faith and trust in government' by the Filipino people, which PRESIDENT RODRIGO ROA DUTERTE referred to in his Inaugural Speech on June 30, 2016 as the 'real problem that confronts us' — more serious than 'corruption, both in high and low echelons of government, criminality in the streets, and the rampant sale of illegal drugs'" dagdag ng liham.
Aniya, marangal na tao si Bautista at karapatdapat gayahin ng lahat.
"[T]he Board of Directors declares as it hereby declares, MR. ERWIN T. TULFO as PERSONA NON GRATA by the Philippine Military Academy Alumni Association, Inc. (PMAAAI).)
Matatandaang humingi na ng paumanhin si Tulfo patungkol sa insidente at sinabing miskomunikasyon ito.
Miscommunication, my bad
Link: https://t.co/9YrAsT9jlp pic.twitter.com/Jyabww7WgN
— Erwin Tulfo (@erwintulforeal) June 4, 2019
Bukas naman daw sa pagpapatawad si Bautista ngunit sinabing dapat humingi muna siya ng paumanhin sa mga mayor na peryodiko, social media platforms at istasyon ng radyo.
Hiniling din niya na mag-donate ang broadcaster ng P300,000 sa hindi bababa sa 19 organisasyon na may kaugnayan sa militar.
Una na ring nanawagan si Police General Oscar Albayalde, hepe ng Philippine National Police, sa mga kapwa graduate ng PMA na kalimutan na ang nangyari sa pagitan ng dalawa.
"Let’s move forward. I think, as I’ve heard yesterday when Erwin Tulfo made a public apology, it’s very much acceptable, it’s very noble of him and very gentleman," sabi ni Albayalde Martes noong nakaraang linggo sa CNN Philippines.
Nitong Biyernes, ipinagutos naman ng PNP na isuko ni Tulfo ang kanyang baril matapos mapaso ang kanyang license to own and possess firearms.