MANILA, Philippines — Bineberipika na ng Department of National Defense (DND) ang umano’y pag-atras ng 100 fishing vessels sa paligid ng Pagasa island sa West Philippine Sea.
Sinabi ni DND spokesman Arsenio Andolong, na hindi pa nila makumpirma kung mayroon ngang 100 fishing vessels sa paligid ng Pagasa.
Paliwanag ni Andolong, kung mayroon talagang naganap na withdrawal ay nagsalita na ang Armed Forces of the Philippines (AFP), subalit pagdating sa eksaktong bilang ay hindi sila sigurado rito.
Nagtataka naman ang opisyal sa naturang bilang kaya dapat umano itong kumpirmahin, subalit sa ngayon ay wala pa umanong ipinapadalang report sa kanila dahil nasa ilalim ito ng hurisdiksyon ng Western Mindanao Command o Westmincom.
Sakaling totoo naman umano ang pag-atras ng mga Chinese fishing vessels ay nangangahulugan lamang ito na may epekto na ang diplomatic track ng gobyerno sa China, dahil mismong si Pangulong Duterte na ang nakikipag-usap kay Xi Jinping.
Giit pa ni Andolong mas mabuting makipag-usap na lamang sa halip na makipagbarilan.
“As I mentioned before in previous interview it is better that we engage in talking rather than shooting,” ayon pa kay Andolong.