Drilon pumalag sa hatian ng komite sa Senado
MANILA, Philippines – Pumalag si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa naging hatian ng komite para sa 18th Congress kahit pa sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na 95% nang plantsado.
Ginawa ni Drilon ang pahayag matapos puntiryahin ni Senator-elect Imee Marcos ang Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development na kasalukuyang hinahawakan ni Sen. Leila de Lima na kasapi ng minorya.
Nais naman ni Senator-elect Pia Cayetano na makuha ang komite ni Sen. Risa Hontiveros na Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Sinabi ni Drilon na nakakalungkot kung totoo ang napaulat at umaasa siyang masusunod ang “equity of the incumbent” rule kung saan mas pinapaboran na manatiling chairman ang kasalukuyang senador.
Pero aminado si Drilon na ang pagbibigay ng komite ay “call” ng mayorya at kahit aniya mawalan sila ng mga komite ay hindi pa rin sila titigil na busisiin ang bawat panukalang batas at magsilbing fiscalizer.
Idinagdag ni Drilon na ang dalawang minority senators na sina Hontiveros at de Lima ay nagtrabaho ng maayos sa nakaraang Kongreso.
- Latest