Dialysis center kinasuhan ng Philhealth dahil sa 'ghost kidney patients'
MANILA, Philippines — Humaharap sa patung-patong na reklamo ang WellMed Dialysis & Laboratory Center Corp. matapos ang diumano'y patuloy na paghingi nito ng Philhealth claims para sa dialysis sessions ng ilang pasyente kahit na sila'y patay na.
Ito ang kinumpirma ni Philhealth president at chief executive at chief executive officer Dr. Roy Ferrer Huwebes sa isang press conference.
"In relation to this case, the corporation have filed 28 counts of administrative cases for claims for non-admitted, treated patients, misrepresentations by furnishing false or incorrect information and breach of warranties of accredidations, performance, commitment against the mentioned dialysis center," sabi ni Ferrer.
Dagdag pa ng Philhealth, nakapaghain na sila ng mga reklamo laban sa posibleng kaugnayan ng ilang doktor sa anomalya.
Pinuri naman ni Ferrer ang mga "whistleblower" na nagsalita upang maibulgar ang naturang anomalya.
"So this is the truth of it, that we acted upon this case and not sitting on it," dagdag ni Ferrer.
Humarap sa media si Edwin Roberto kanina, na dating empleyado ng Wellmed Dialysis Center, at idinetalye kung paanong naghahain ng Philhealth claims ang naturang tanggapan para sa dialysis sessions ng 'di bababa sa 10 pasyente na yumao na.
Nagtrabaho raw si Roberto doon mula 2015 hanggang 2018 at sinabing kumuha ng claims para sa mga patay na pasyente dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo.
Ang bawat miyembro ng Philhealth ay mayroong hanggang 90 araw na libreng dialysis session sa isang taon.
Universal Health Care law ipinasususpindi
Inaakusahan ngayon ng abogado at dating presidential spokesperson Harry Roque si Ferrer ng "kawalan ng kakayahan" at "pagbibingibingihan" patungkol sa diumano'y korapsyon sa kanilang ahensya.
"I pushed for Universal Hearh Care to benefit the poor and not the pigs in Philhelath and their cohorts," sabi niya sa isang Tweet kanina.
Hiniling na rin ni Roque na suspindehin muna ang implementasyon ng batas hangga't hindi pa raw natitigil ang "korapsyon sa loob ng Philhealth."
"Kung kailangan siguro, isuspinde muna natin hanggang hindi natin nalilinis ang PhilHealth, kaysa mawala ‘yung pera sa mga korap. Isuspinde muna natin iyan at linisin natin," sabi ni Roque sa isang press conference sa kanyang tahanan.
"Kapag malinis na, ‘tsaka natin gastusin ang pera."
Itinanggi naman ni Ferrer na walang ginagawa ang kanilang pamunuan patungkol sa mga nasabing reklamo.
"Mali si Atty. Harry Roque sa kaniyang exposé na tinutulugan ng PhilHealth ang kaso ng 'ghost dialysis' dahil noong 2018, nakapaghain na ng administrative complaint laban sa dialysis center at 4 na doktor dahil sa nasabing paratang," dagdag ng Philhealth president.
Imbestisyon sa Kongreso hiniling
Samantala, hiniling naman ng Bayan Muna na mabusisi nang husto ang mga naturang paratang.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, dapat agad maimbestigahan ito ng Kongreso dahil nakasalalay daw dito ang buhay ng maraming pasyente.
"Maraming namamatay dahil hindi nila kaya ang mataas na bayarin para sa dialysis treatments. Sa kabila nito, ay nakukuhang pang nakawan pa sila ng ilang mapagsamantalang negosyo," sabi ni Zarate.
Isa si Zarate sa mga naghain ng libreng dialysis para sa mga mahihirap na pasyente sa Kamara, na naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa doon.
"However, with issues like these plus these so-called 'ghost' patients, it raises the question of the implementation of the PhilHealth-sponsored dialysis," dagdag niya.
Ikinalungkot naman ni Bayan Muna chairperson Neri Colmenares ang mga ulat dahil sa "oportunismo" ng ilan dito.
Sabi ni Colmenares, inuubos daw ng ghost dialysis patients ang pondo ng Philhealth, na siyang makaaapekto raw sa mga lehitimong pasyente.
"The funds meant for them goes to the pockets of some shady business owners. This should not continue to happen as we push for free dialysis for poor patients," sabi niya.
Ihahain naman daw muli ng Bayan Muna sa 18th Congress ang panukalang libreng dialysis para sa mahihirap at itaaas sa 156 ang ngayo'y 90 libreng gamutan para sa mga Philhealth members.
Tinitignan na rin daw nina Zarate kung maaaring tanggalin na ang Philheath sa usapin at idiretso na lang ang pondo sa mga pampublikong ospital upang mapabilis ang mga treatment.
- Latest