MANILA, Philippines — Humingi ng pang-unawa ang Malacañang sa mga guro kaugnay sa kanilang dagdag suweldo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, inatasan na ni Pangulong Duterte ang kanyang economic managers na maghanap ng pondo para sa salary increase na kanyang pangako sa mga guro.
Aniya, ipinabatid sa kanya ni DepEd Sec. Leonor Briones na malaking pondo ang kakailanganin ng gobyerno upang matupad ang pangakong salary increase na P10,000 sa bawat guro na mangangahulugan ng P150 bilyon kada taon.
“Baka gawing installment, hindi ko alam kung anong mangyayari. But the President really wants to increase the salaries of the teachers. We appeal to our teachers since this is a huge amount, haba-habaan niyo lang muna yung pasensya. Hahanap tayo ng pera para sa inyo,” giit pa ng presidential spokesman.
Kinontra naman ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang pahayag ng Malakanyang na kailangang hanapan ng pondo ang salary increase para sa mga pampublikong guro.
Paliwanag ni Tinio, mayroong pondo dahil ang P95 bilyon na dapat sana ay kasama sa 2019 budget ang na-veto ng Pangulo. Dito umano maaaring kunin ang pandagdag sahod.
Panahon na umano para itaas ang sahod ng mga teachers bukod pa sa matagal na itong pangako ng Pangulo kasunod ng salary increase ng mga pulis.
Dapat umanong gawing batayan ang entry level ng mga pulis at militar na P30,000 kada buwan sa magiging buwanang sahod ng mga bagong guro.
Sa ngayon umano ay P20,000 ang entry level ng mga teachers sa mga public schools.