MANILA, Philippines — Lusot na sa Senado ang panukalang patawan na lamang ng community service sa halip na ikulong ang mga nakagawa ng krimen na may parusang isang araw hanggang anim na buwang pagkabilanggo.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, nag-sponsor ng panukala, problema sa ngayon ang siksikang mga kulungan kahit pa saang panig ng bansa.
Base aniya sa investigative report ng Philippine Center for Investigative Journalism noong 2018, lumabas na ang Pilipinas ang may pinakamasikip na bilangguan sa buong mundo na umaabot sa 605 porsiyento na mas mataas kumpara sa 320 porsiyento ng Haiti.
Malaking problema rin ng Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Corrections prisons ang mga siksikang bilangguan kung saan nagkakahawa-hawa ng sakit ang mga bilanggo.
Ayon pa kay Gordon, mas maisusulong ang “restorative justice” at mababawasan ang mga nakakulong kapag naging ganap na batas ang Community Service Bill.
Paliwanag ni Gordon na ang community service ay ang aktuwal na “physical activity” na ipapataw sa isang nagkasala at nahatulan pero isang beses lamang ito maaring ma-avail o makuha.
Kung ang defendant ay lalabag sa termino ng community service, ipag-uutos ng korte ang pag-aresto sa kanya at posibleng ikulong.